1,184 HEALTH WORKERS SA PGH NATURUKAN NG SINOVAC

INIULAT ng Philippine General Hospital (PGH) na umaabot na sa 1,184 ang health care workers at empleyado nila na naturukan na ng unang dose ng Sinovac vaccine, na pangontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, ang bilang ay naitala mula nang magsimula ang COVID-19 vaccine rollout noong Lunes hanggang Miyerkoles.

Inaasahan naman ni del Rosario na darami pa ang mga kasamahan nilang magpapabakuna ng Sinovac sa ikaapat na araw ng COVID-19 vaccination nitong Huwebes.

Inihayag rin ni del Rosario na mula sa dating 8% na “acceptance rate” ay nasa 25% na ang acceptance rate ng mga taga-PGH sa Sinovac vaccine na CoronaVac.

Gayunman, 75% o mayorya pa rin sa medical frontliners at mga tauhan ng PGH ay mas gusto ang bakuna ng AstraZeneca o Pfizer.

Ani del Rosario, magkakaalaman din kung hihintayin na lamang muna ng iba pang health care workers nila ang AstraZeneca, na ang suplay ay inaasahang dumating na sa bansa kagabi.

Matatandaang una nang nagbigay ang Department of Health (DOH) sa PGH ng 1,200 doses ng Sinovac.

Pero nagdagdag pa ang DOH ng 3,000 doses, kaya kabuuang 4,200 ang nakuha ng PGH, na tiyak para sa 2,100 vaccinees. Ana Rosario Hernandez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *