11TH JACKPOT WINNER NG PCSO NAG-UWI NG P15.8M

TUMATAGINTING  na P15.8 milyon ang jackpot prize na solong naiuwi ng isang lucky bettor na itinuturing na pang-11 instant milyonaryo sa lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong taon.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, isang residente ng Cainta, Rizal ang nagwagi ng jackpot prize ng Super Lotto 6/49 na umaabot sa P15,840,000 sa lotto draw na isinagawa nitong Martes ng gabi matapos na mahulaan ang six-digit winning combination na 49-11-09-17-27-14.

Samantala, mayroon namang 27 bettors na muntik nang maka-jackpot at nakahula ng limang tamang numero.

Sila ay nakapag-uwi ng second prize na tig-P50,000 bawat isa.

Kaugnay nito, muling hinikayat ni Garma ang publiko na tangkilikin ang kanilang lotto games upang magkaroon ng tiyansang maging milyonaryo sa halagang P20 lamang at makatulong pa sa kawanggawa.

Ang Super Lotto 6/49 ay binobola ng PCSO tuwing Martes, Huwebes at Linggo. Ana Rosario Hernandez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *