136 KASO NG PNP NAKABINBIN SA NAPOLCOM

UMAABOT sa 136 kaso ng mga tauhan ng Phi­lippine National Police (PNP) ang nakabinbin pa sa National Police Commission (Napolcom) na inaasahang resolbahin.

Ito ang inamin ni PNP Chief Gen. Debold Sinas nang dumalo sa en banc meeting sa Napolcom kasama si Napolcom Vice Chair Vitaliano Aguirre.

Nabatid na ang mga pulis na hindi pa na­dedesisyonan ang kaso ay pawang nasuspinde at na-demote lamang subalit nananatiling kasapi ng PNP.

Ayon kay Sinas, kabilang ito sa napag-usapan sa pulong gayundin ang panukalang bilisan na ang pagresolba sa mga nagiging kaso ng mga pulis upang maisakatuparan ang pag­lilinis sa hanay ng mga pulisya.

Aniya, nagbigay ng direktiba si Aguirre na dapat tutukan ng pulisya ang internal reforms at cleansing para sa magandang performance ng pulisya at serbisyo sa publiko.

“The vice chair gave us a directive that we should focus more on the internal reforms, clean­sing of our personnel,” anang PNP chief.

Dagdag pa nito, nais ni Aguirre na dapat ipatupad nang tama ang rules and regulations sa PNP at dapat nang matanggal sa kanilang organisasyon ang mga lumabag sa mga polisiya at regulasyon.

Kasama rin sa tinalakay ay ang pataasin ang kalidad ng performance ng mga pulis at dapat maitama ang mga pagkakamali ng PNP member.

”He (Aguirre) is bent on implementing rules and regulations na ‘yung mga pulis na nag-violate ng policies and directives or pasaway ay dapat tanggalin to enhance the performance of the PNP because
according to him, ayaw din niya makita na ang PNP yung members ay hindi nako-correct,” ayon pa kay Sinas. EUNICE CELARIO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *