2 TIMBOG SA PAGBEBENTA NG RT/PCR TEST KIT

ARESTADO ang isang Chinese national at kasab­wat na Pinoy matapos malambat sa isinagawang entrapment operation matapos ang pagbebenta online ng mga RT/PCR rapid test kit at makuhanan ng aabot sa P1 milyon halaga ng test kit sa Navotas City.

Nakilala ang mga suspek na sina Liset Lo Kaw, 40-anyos, Chinese National, businesswoman at residente ng Barangay San Rafael Village, Navotas City at Christian Casanova Cruz, 23-anyos ng Barangay Concepcion, Malabon City.

Nadakip ang mga suspek kamakalawa matapos makatanggap ng report ang Navotas Police mula sa QC DFU CIDG kaugnay sa nagaganap na selling/distribu­ting ng hindi awtorisadong rapid test kit ng mga suspek at mapag-alaman din sa Food and Drug Administration (FDA) na hindi sila authorized na magbenta ng Rapid Test Kits sa online.

Isang pulis na umaktong buyer ang nakipagtransaksyon sa mga suspek para makabili ng 109 boxes ng Clungene Rapid Test Kit sa online at nang magkasundo sa presyoay doon na isinagawa ang entrapment operation.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang P436,000 marked money para sa 109 boxes CoVid 19 RT/PCR na naglalaman ng 50 pcs. Clungene Rapid Test Kit sa bawat kahon at 154 boxes pa na nagkakahalaga ng Php1,016,000.

Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 in relation to FDA Circular No. 2020-016 o prohibition of Online selling of FDA Certified COVID-19 Antibody Test Kit.

Pinarangalan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, PMGen. Vicente Danao, Jr ang mga operatiba ng Navotas City Police Station, QC, DFU-CIDG at 300th AISW, PAF sa matagumpay na entrapment operation kaugnay sa pagsugpo sa illegal na pagbebenta ng RT/PCR Test Kits. VICK TANES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *