2021 NATIONAL BUDGET HINIHINTAY NA NI DUTERTE

Senador Bong Go

“NAGHIHINTAY na si Pangulong Rodrigo Duterte sa isusumiteng budget ng Kongreso.”

Ito ang pahayag ni Senador Christopher ‘Bong’ Go kasabay ng pag-asang tutupad ang Kamara sa pangakong  ipapasa “on time” ang  2021  proposed national budget  para maiwasan ang re-enacted budget.

Ayon kay Go, ginawa na ng Pangulo ang lahat dahil sa ayaw nito ng reenacted budget at ayaw niyang pasanin ng taumbayan ang pasakit ng re-enacted budget.

Iginiit ng senador na kaya namang maipasa ng Kongreso ang panukalang general appropriation act  kung hindi magre-recess.

Ipinaliwanag nito na mahihirapan lalo ang bansa sa pagtugon sa COVID-19 pandemic kapag na-reenact ang  2020 budget  sa susunod na taon dahil walang gagamiting pambili ng mga PPE, iba pang supplies at pa-suweldo para sa mga kailangang frontliner.

Tiniyak din ni Go na nakahanda na ang mga senador para sa kanilang trabaho naman sa proposed national budget at para masunod ang timeline sa sandaling mai-transmit na ito ng Kamara.

Kinumpirma rin ni Go na nag-usap na sina Senate President Tito Sotto at House Speaker Lord Allan Velasco para mada-liin at ipasa ang  budget sa takdang oras upang maiwasan ang reenact budget. VICKY CERVALES

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *