3 CHINESE TIMBOG SA P863 M SHABU

NASAKOTE ang tatlong Chinese national makaraang makumpiskahan ng 127 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P 863,600,000 ng pinagsanib na mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Novaliches Police Station 4, sa isang buy-bust operation sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City nitong Linggo ng umaga.

Ang mga nadakip na suspek ay nakilalang sina Wille Lu Tan alias Chen Bien, 42-anyos; Antong Wong alias Wang Zhong Chun/Wang Min, 28-anyos at Chen Zhin, 79-anyos, pawang mga Chinese national.

Nadakip ang mga nasabing Chinese bandang alas-10: 30 kahapon ng umaga sa Magsaysay St., Barangay San Bartolome, Novaliches, kung saan ay nakumpiska sa kanila ang 127 kilos ng shabu na nakalagay sa isang vaccum sealed na plastik na lalagyan ng mga tsaa at may tatak na Chinese character.

Sinabi ni Directort Adrian Alvarino, hepe ng PDEA Intelligence and Investigation Service (IIS), ang mga suspek ay pawang miyembro ng isang ma­laking transnational syndicate na sangkot sa pagbebenta ng shabu sa bansa.

Inihayag naman ni PNP Drug Enforcement Group Director Police Brig. General Remus Medina na patuloy ang ginagawa nilang pagmomonitor at operason laban sa mga high value target ng iligal na droga sa bansa.

Pinapurihan naman ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang kaniyang mga tauhan at PNP sa matagumpay na operasyon.

Giit ng PDEA chief, pagpapakita lamang ito na iisa ang hangarin ng dalawang ahensiya na matuldukan ang problema sa iligal na droga sa bansa. EVELYN GARCIA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *