3 NPA REBS TIKLO SA ARMS CACHE

ISABELA-TATLONG magsasaka na pinaniniwalaang kasapi umano ng New Peoples Army (NPA) ang nakumpiskahan ng iba’t-ibang uri ng pampasabog at baril sa may Barangay Villa Flor, Cauayan City matapos salakayin ng mga awtoridad ang mismong mga tahanan ng mga ito.

Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Hukom Reymundo Aumentado kaugnay sa paglabag sa RA 10591 at RA 9165, batay sa impormasyon sa pagkakakilanlan ng tatlo mula sa PNP Cauayan, ang unang target ay kinilalang si Jerry Ramos alyas “Bobot”, 48-anyos, may-asawa, isang PSRTG, nasa self defense unit at naitalaga bilang armed contact ng KR-CV central front under platoon Gani.

Nasamsam sa bahay ni Ramos ang isang piraso ng smoke hand grenade; dalawang live Riffle Grenade; dalawang piraso ng improvised explosive device; tatlong detonating cord at isang piraso ng blasting cap.

Kasunod naman ang isa pang suspek na kapatid ni alyas Bobot na si Herminio “minio” Ramos, CTG supporter pasa bilis/poste, 52-anyos. Nakuha sa tahanan nito ang tatlong (3) piraso ng rifle grenade at dalawang (2) piraso ng hand grenade.

Habang nakumpiska naman sa tahanan ni Virgilio Dela Cruz alyas “junior”, 44-anyos, may-asawa, isang CTG supporter pasa bilis/poste ang isang yunit ng kalibre 45 na baril; 1 magazine; 4 na buhay na bala ng kalibre 45; 1 color black holster at isang bag.

Dinala na ang mga suspek sa Cauayan Police Station at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang kasong ihahain. IRENE GONZALES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *