5 ARMY SUGATAN SA ENGKUWENTRO

LANAO DEL SUR- LIMANG tauhan ng Philippine Army (PA) ang nasugatan sa naganap na bakbakan sa pagitan ng militar ang ilang miyembro ng Dawla-Islamiya Maute terrorist group sa bayan ng Madalum ng lalawigang ito nitong Miyerkoles.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng routine combat patrol operation ang mga elementong ng 55th Infantry Battalion kasunod ng intelligence report hinggil sa presensiya ng mga armadong kalalakihan sa liblib na bahagi ng Barangay Tamporong.

Tumagal ng ilang oras ang sagupaan at habulan matapos na umatras ang mga bandido sa pangambang paparating na rin ang military re-enforcement.

Agad namang nalapatan ng lunas ang mga sugatang sundalo.

Inaalam pa kung nalagasan din ang kanilang mga kalaban base sa mga bakas ng dugo sa pinangyarihan ng engkuwentro kung saan narekober ang ilang improvised explosive devices, paraphernalia, mga bala, food rations, at mga personal na gamit at duyan para sa sanggol sa pinagkutaan ng mga terorista.

Gayundin, isang miyembro ng naturang terrorist group naman ang sumuko sa militar sa Barangay Matampay sa bayan ng Munai, Lanao del Norte noong Martes na kinilalang si “Dimakuta”, 40-anyos, residente ng Lanao del Sur.

Sinuko nito ang isang Norinco AK-47 rifle, bandolier at dalawang magazines sa mga awtoridad dahil sa hirap ng buhay sa bundok at gusto na niyang makapi­ling ang pamilya.

Na-recruit umano siya na sumapi sa mga terorista noong 2019 dahil sa kanyang warrant of arrest sa kasong kidnapping. VERLIN RUIZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *