6.5K MOTORISTA BINIGYAN NG NOTICE SA TRAFFIC VIOLATIONS

MAY 6,500 motorista ang pinadalhan ng notice upang bayaran ang kanilang multa mula iba’t-ibang paglabag sa batas trapiko sa Maynila.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, ang mga notice ay ipinadala na ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pamamagitan courier service kasabay ng pag-apela nito sa mga motorista na dumadaan sa lungsod na istriktong sundin ang itinakdang batas trapiko upang makaiwas sa perwisyo.

Base sa records ng MTPB na ang kabuuang halaga na kokolektahin mula sa nasabing paglabag ay P188,000, mula lamang nitong Enero 13 hanggang Enero 21.

Ang mga nabanggit na notice ay mula nang inilunsad ng pamahalaang lokal noong nakaraang buwan ang non-contact apprehension program (NCAP) sa lungsod upang malimitahan ang interaksyon sa pagitan ng traffic enforcers at motorista.

Ito ay pagtugon na rin ni Moreno sa mga daing ng mga motorista na kinokotongan umano ng ilang enforcer.

“Pinakinggan kayo ng gobyerno at nag-adopt tayo ng techology para walang pagtatalo… pero kita nyo, yayaman tayo dahil sa violations. Nakakahiya. Sumunod na kasi kayo sa batas-trapiko,” ani Moreno.

Napuna ng alkalde na noong mag- dry-run ang NCAP bago pa ito pormal na sinimulan ay iniulat na may naitalang 57,000 traffic violations sa loob lamang ng isang linggo.

Nagbigay babala ang alkalde sa lahat ng mga may-ari ng sasakyan na kung hindi magbabayad ng kanilang multa ay hindi rin makapagpaparehistro ng kanilang sasakyan. VERLIN RUIZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *