AANO’NG SOLUSYON NG BAGONG MMD CHAIR SA MATINDING TRAPIK SA METRO?

alex santos

HANGGANG ngayon, sinasabing numero uno pa rin sa trapik ang Metro Manila.

Maging ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay aminado rito.

Napaka-congested na ng mga kalsada sa Metro, partikular na ang Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) na usad-pagong ang trapik.

Kahit may pandemya at may travel restrictions, naiipit pa rin ang mga motorista at mananakay sa EDSA.

Madalas, halos wala nang galawan ang mga sasakyan at kung minsan ay inaabot na ng madaling araw sa kalye ang mga kawawang commuter.

Batay sa mga nakaraang pag-aaral, bilyong piso raw ang nasasayang araw-araw dahil sa trapik.

Noong 2019 nga, kung hindi ako nagkakamali, naglabas ng kanilang pag-aaral ang traffic navigation software application company na Waze.

Lumalabas dito na ang isang kilometro raw sa Filipinas ay inaabot ng halos limang minutong paglalakbay. Baka higit pa nga.

Kung susuriin, ito ang ‘worst’ sa buong mundo.

Sinasabing sa Bogota, Colombia, ang isang kilometro ay tina-travel ng apat na minuto lamang habang 3.83 minuto naman sa Jakarta, Indonesia.

Sa Sau Paolo, Brazil ay 2.43 minuto at 2.38 minuto naman sa Tel Aviv, Israel.

Sa dami ng mga dumaan nang opisyal ng MMDA, marami nang nailatag na paraan para malutas ang trapik, lalo sa EDSA.

At sa totoo lang, hindi lamang sa EDSA mabigat ang trapik ngayon kundi sa maraming lansangan na sa Metro.

Inaangal din ng mga motorista ang trapik sa Zapote Road, Las Piñas at Alabang, Muntinlupa.

Ngayong nagsimula na ang termino ng bagong Metropolitan Manila Development Authority chairman at dating Mandaluyong City mayor na si Benjamin “Benhur” Abalos Jr, umaasa ang marami na may dala siyang pagbabago at solusyon pagdating sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.

Pinalitan ni Abalos si Danny Lim na pumanaw dahil sa komplikasyong dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Kung maaalala, dati ring namunong chairman ng MMDA ang ama ni Benhur Jr. na si Benhur Sr.

Aayusin daw ni Abalos ang ilang traffic scheme na ipinatutupad na ngayon habang maglalatag din siya ng mga rampa sa mga EDSA busway para hindi makasagabal at maiwasan ang trapiko sa isinarang u-turn slots.

Pagaganahin din daw ni Abalos ang mga elevator at escalator sa mga MRT at LRT station habang inaayos din niya ang paglalagay ng pedestrian lanes para protektado ang mga commuter sa ulan o kaya sa sinag ng araw na maaaring magdulot ng sakit sa balat.

Kung hindi ako nagkakamali, ililipat din sa bagong dedicated lanes ang mga motorsiklo na ngayo’y may sariling lanes pero ang puwede namang pumasok ang iba pang mga sasakyan.

Maganda ang plano ni Abalos na gawing mas pulido ang mga traffic scheme.

Ngunit umaarangkada na rin naman ang ilang proyekto ng gobyerno ukol dito.

Masyado nang marami ang mga sasakyan sa MM at ang problema’y wala pang maayos na nadaragdag na kalsada.

Nariyan ang mga paghuhukay o reblocking at ang mga nakatiwangwang na proyekto na talaga namang nakapagdudulot din ng trapik.

Bumabagal din ang construction ng Skyway projects dahil sa naganap na aksidente sa Alabang.

Iyan siguro ang mga dapat tutukan ng MMDA, katuwang ang Department of Transportation (DOTr).

Aba’y mas mainam din kung pabibilisin ang construction ng mga alternatibong kalsada at buhusan nang todo ng pondo ang modernisasyon ng railway systems.

Tunay na maraming oras na nasasayang at nawawalan ng bilyong piso ang ekonomiya ng bansa dahil sa trapik.

Kaya hindi dapat ningas-kugon ang mga gagawing programa at proyekto ni MMDA Chair Abalos.
Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *