ANG GREEN INDUSTRIAL REVOLUTION NG BRITANYA

alex santos

UNTI-UNTI na nating nasasaksihan kung paano pinauunlad ang ating pamumuhay sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.

Halimbawa na lamang d’yan ay ang modular o distance learning.

Kung walang teknolohiya, hindi ito posibleng mangyari.

Tunay na mahalaga ang teknolohiya para sa kaunlaran ng ating bayan.

Pati nga ang ating jeepney operators at drivers ay makikinabang sa programang modernisasyon ng public utility vehicle (PUV).

Wala na raw makapipigil sa modernisasyong ito ng mga PUV partikular na ang mga jeepney.

Mukhang nababalam lamang dahil sa krisis na kinakaharap natin.

Sa pangunguna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may P2.26 bilyong subsidy na nakalaan para maisakatuparan ang programa.

Maganda ang subsidy para sa mga operator at driver upang makabili sila ng bagong unit.

Ibig sabihin, magiging brand new na ang ida-drive nilang jeepney.

Sa ilang bansa nga, sobrang unlad na nila tulad na lamang ng United Kingdom.

Paano naman kasi, sa 2030 ay bawal nang ibenta ang mga sasakyan na gumagamit ng petrol at diesel.

Sinasabing bahagi ito ng 10-point plan para sa isinusulong na “green industrial revolution” ni Prime Minister Boris Johnson.

Aabot daw sa £12 billion o 13.4 billion euros ($15.9 billion) ang gagastusin nila para sa makabagong teknolohiyang ito.

Ang maganda, aba’y lilikha ito ng 250,000 trabaho at inaasahang magiging carbon neutral na raw ang UK sa 2050.

Kasama sa mga plano nila ang pagkakaroon ng offshore wind power na itatayo sa loob ng isang dekada kung saan palalawakin nito ang hydrogen production capacity sa iba’t ibang industriya.

Pinag-aaralan na rin daw ang zero-emission sa iba pang public transport na kinabibilangan ng eroplano at barko.

Hihikayatin din nila ang mga tao na habaan ang oras ng paglalakad o kaya’y magbisikleta.

Hindi malayong mangyari o gawin na rin ang ganitong teknolohiya ng iba pang bansa sa mundo, at siyempre, kasama na riyan ang Filipinas.

Sa pamamagitan nga ng mga bagong jeepney sa atin, natutulungan na nga sila’y makakaligtas din naman sa pagkalason ang kapaligiran bunsod ng mga bulok nilang jeepney na nagbubuga ng may lasong usok.

Aba’y lampas 20 taon na o mahigit pa ang ilang pumapasadang jeepney sa atin kaya dispalinghado na ang preno.

Karamihan ng mga malalagim na aksidente ay dahil sa mga lumang sasakyan na nawawalan ng preno.

Laging naaararo ang mga bahay at mga taong naghihintay sa tabi ng kalsada.

Kitang-kita na talaga ang mga pagbabago at imbensiyon sa pamamagitan ng teknolohiya.

Ang nakalulungkot nga lang isipin, nagiging kapalit naman ng malawakang pagbabagong ito na para sa modernisasyon ay ang paglimot at pagtalikod natin sa mga nakagisnang kaugalian.

Sa bilis ng takbo ng panahon at ng ating pamumuhay, ang babagal-bagal ay maiiwan. Tila ito na nga ang bagong prinsipyo sa kasalukuyan dahilan upang matuon ang atensiyon natin sa ating mga sarili na lamang.

Waring nawawalan na tayo ng panahon na intindihin ang kapakanan ng iba at kahit ng pamilya dahil abala tayo sa ating mga sarili.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *