ANG SUNOG AT POLITIKA

PUSONG PANALO

KAMAKAILAN ay may isang argumentong nailathala sa The Economist na nagsasaad na dahil unti-unti nang nararamdaman ng mga tao ang matinding epekto ng climate change, ang mga politiko  umanong hindi sumeseryoso rito ay maaaring mabawasan ng kredibilidad.

Pakikinggan at pipi­liin siyempre ng tao ang mga lider na humaharap sa mga kalamidad na epekto ng climate change.

Ang mahinang mga polisiyang may kinalaman sa klima at kalikasan ay hindi kaaya-aya para sa masa, lalo na’t nasa gitna tayong lahat ng isang mala­king suliraning nanga­ngailangan ng kagyat na solusyon. Isa sa mga dahilan kung bakit minaliit ng ilang mga politiko sa Australia ang usapin ng climate change ay ang kalakalan at eksport. Ang mga materyales na kinuha sa kalikasan, kagaya ng coal at iron, ay bumubuo sa 70% ng kabuuang eksport ng bansa, partikular patungo sa bansang China.

Dito sa atin, ang mga politikong mas pini­piling protektahan ang pribadong mga interes kaysa sa pangangalaga sa kalikasan ay maaaring malagay sa alanganin sa pagdating ng panahon.

Madalas tayo ay nagtataka kung bakit marami pa ring mga pinuno ang hindi kumikilala sa problemang ito bilang isang tunay na krisis. Bukod sa pagsasaalang-alang sa mga usapin at isyung may kinalaman sa kalakalan at negosyo, maaaring hindi pa rin talaga maarok ng iba ang tunay na isyu at mga panganib na kaugnay nito.

Hindi prayoridad sa maraming bansa o gob­yerno sa buong mundo ang pagtugon sa mga problemang dala ng climate change. Hindi pa marahil nila naiintindihan na ang kasalukuyan ay ang susi sa hinaharap.

Bukod pa sa pagkasunog ng kagubatan, dala-dala ng climate change ang posibilidad ng mas malalakas na mga bagyo, mas malalang allergies (napapansin na ito sa atin!), ma­tinding init at tagtuyot, kakulangan sa tubig, at marami pang ibang matitinding epekto. (Itutuloy)

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *