ANO BA ANG NASA ISIP NG DTI AT PINAHIHIRAPAN NILA ANG SUPPLIERS NG YERO?

HETO ang abangan natin sa mga susunod na buwan. Malaki ang epekto ito sa ordinaryong pamumuhay natin. Alam naman natin na sa pagdating ng panahon ng tag-araw, dito malakas ang konstruksiyon.

Kaliwa’t kanan ang pagtatayo ng mga bahay at gusali. Bukod pa rito, panahon din ito ng pagkukumpuni ng bahay. Mga ‘repairs’, ika nga, sa salitang Ingles sa mga sirang bubong sa paghahanda sa pagdating ng tag-ulan sa pagsapit ng kalagitnaan ng taon. Malaking tulong ito sa mga kababayan natin na magkaroon ng trabaho sa panahon ng pandemya.

Subalit mukhang magkakaroon ng malaking dagok sa atin ang inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) na department administrative order (DAO) kung saan mas hihigpitan nila ang polisiya at requirements sa pag-aangkat ng yero ng ating bansa.

Mangangahulugan na maraming reketitas ang pagdadaanan ng mga importer ng yero bago ito mailabas sa BoC.

Hindi lang po iyan, ayon pa sa DAO, kailangan ay mas mataas ang specifications ng mga yerong ibebenta sa ating merkado. Marahil, ang gustong palabadin ng DTI ay itaas ang kalidad ng materyales ng yero sa merkado. Ngunit mukhang mas pahirap ito sa mga ordinaryong mamamayan. Bakit? Aba’y mas tataas ang presyo ng yero. Siyempre ay isasama ito sa costing ng mga supplier ng yero. Tayong mga mamimili ang magbabayad sa dagdag na specifications na gusto ng DTI.

Tandaan, ang mga negosyante ay hindi nandiyan para malugi. Ang ating pamahalaan ay may regulatory powers upang matiyak na sapat lamang at hindi nagmamalabis ang kita ng mga negosyante sa ating bansa. Sa kasalukuyan, tama lang ang presyo ng yero. Kung minsan pa nga ay tumataas ito tuwing tag-araw dahil tumataas ang demand nito. Tulad sa presyo ng semento at iba pang materyales sa konstruksiyon tuwing pagsapit ng panahon ng tag-araw, kadalasan ay tumataas nang bahagya. Pero sa DAO na ipinalabas ng DTI, namemeligro na tumaas ng sobra ang presyo ng yero dahil bukod sa dagdag na specifications na gusto ng nasabing ahensiya, maiipon ang mga materyales sa BoC dahil hindi madaling mailabas ito sa dami ng requirements na hinihingi ng DTI. Resulta, baka magkaroon ng shortage ng yero sa bansa. Mas lalong tataas ang presyo ng yero. Gusto ba ito ng mga negosyante?

Siguro naman ay ayaw nila ito.

Bakit pa nila aayusin ang isang bagay o polisiya na wala namang problema? Sa wikang Ingles, “Why fix if it ain’t broke?”. Umaangal ba ang suppliers o gumagawa ng yero sa kasalukuyang polisiya ng DTI?

Umaangal ba ang mga mamimili sa kalidad ng yero na nabibili nila? Nagkakakulangan ba ng supply ng yero sa ngayon? Ang sagot sa lahat ng ito ay malaking HINDI!

Eh, bakit nais ng DTI na baguhin ang polisiya at requirements sa lahat ng uri ng yero? ‘Yan ang malaking tanong na kailangan nating malaman. May mapapaboran ba na iilan o piling supplier ng yero sa nasabing DAO? Hindi ba taliwas ang DAO sa itinutulak ni Pangulong Duterte na anti-red tape? Aba’y sa dami ng hinhingi nila sa mga importer ng yero upang makasunod sa DAO ay parang red tape na rin ito!

Hayaan natin ang merkado. Kung may pera ka upang bumili ng mas mahal at mas makapal na yero eh ‘di ayos ‘yan. Kung ikaw naman ay nagtitipid at ang kailangan mo ay mas murang yero, eh ‘di yun ang kaya ng badyet mo. Huwag sana pilitin ng ating pamahalaan na bumili tayo ng mahal na gamit maski hindi natin kaya. Malaki ang masamang ibubunga nito. Eh, ang hirap dito, doon sa napapaloob sa DAO mukhang pinaratangan na nila ang mga negosyante na nagpapasok ng mga material na may ginagawang masama. Parang akala mo ay mga smuggler sila. Imbes na himukin sila aba’y parang walang tiwala sa kanila! Magandang mensahe ba ito ng DTI sa mga negosyante? Tsk, tsk, tsk.

Hindi maganda ang mensahe ng DAO na ito sa mga negosyante. Mahirap na nga ang buhay dulot ng pandemya, mas pinahihirapan pa nila ang mga negosyante na makabangon. Tandaan, may mga empleyado rin ang mga ito na nangangailangan ng hanapbuhay sa panahon ng pandemya. Marami na ang nagsarang negosyo. Imbes na tulungan makabangon ang ekonomiya, tila salungat ang diwa ng DAO ng DTI, Mr. President.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *