(Apela sa DOLE) CASH AID SA TEACHERS IBIGAY NA

Win Gatchalian

MATAPOS ang mahabang panahon ng paghihintay, hiniling ni Senador Win Gatchalian sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang agarang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 sa mga guro at non-teaching staff na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

“Bakit inabot ng ganito  katagal ang ayuda para sa mga guro?” tanong ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Dagdag ng senador, dapat tutukan ang sektor ng edukasyon lalo na’t isa ito sa mga pinakaapektado ng COVID-19 crisis.

“Ang ayudang nakalaan sa ilalim ng Bayanihan 2 ay matagal nang hinihintay ng mga guro at mga non-teaching personnel na nawalan ng trabaho. Ngayong tuloy-tuloy pa rin ang tanggalan sa maraming opisina at mayroon nang bagong variant ang COVID-19, marapat lamang na maipaabot na sa kanila ang ayudang matagal nang ipinangakong magpapaluwag sa kanilang mga pasanin,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 na nilagdaan noong Setyembre 2020, may P300 milyon ang inilaan bilang one-time cash assistance sa mga teaching at non-teaching personnel sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya, high school, at kolehiyo. Kasama rin sa mga mabibigyan ng ayuda ang mga part-time na guro sa State Universities and Colleges (SUCs) na nawalan ng trabaho o kaya ay hindi nakatanggap ng kanilang sahod.

Sa basic education sector, nasa 4,488 guro ang apektado ng suspendidong operasyon sa 865 pribadong paaralan, ayon sa ulat ng Department of Education (DepEd) noong Setyembre 2020.

Noong Mayo 2020, matatandaan namang iniulat ng Commission on Higher Education (CHED) na may 50,000 part-time lecturers sa mga pribadong kolehiyo at mga pamantasan ang nangangailangan din ng tulong pinansiyal. Ito ay dahil nagtatrabaho sila sa ila-lim ng “no work, no pay basis”.

Bagama’t aminado si Gatchalian na hindi sapat ang pondo upang maibsan ang pasanin ng mga guro at mga non-teaching staff na nawalan ng trabaho, hinimok niya ang DOLE na makipagtulungan sa DepEd at CHED na  gawin na ring pinal ang mga pamantayan sa pagpapamahagi ng ayuda. Aniya, dapat maiwasan ang parehong mga suliraning naranasan sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program.

Noong nakaraang Disyembre naman ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11519 para palawigin ang pagiging epektibo ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 2. VICKY CERVALES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *