APELA SA ERC: WALANG PUTULAN PALAWIGIN

ERC

HINILING ni Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) at sa distribution utilities (DUs) na dinggin ang panawagan ng publiko na palawigin pa ang “no disconnection” policy sa mga tinaguriang low-income consumers habang umiiral ang General Community Quarantine (GCQ).

Una nang inanunsiyo ng Meralco na hanggang Disyembre 31, 2020 na lang ang “no disconnection policy” para sa mga kumo-konsumo ng   200 kilowatt-hour (kWh) kada buwan o mas mababa pa, ngunit pinahaba pa ng Meralco ang deadline hanggang katapusan ng buwang kasalukuyan. Nasa higit tatlong milyon ang nakikinabang dito.

“Maliban sa iilan na may negosyong tinatawag nating essential goods and services, karamihan sa mga negosyo ay hindi pa rin normal ang operasyon kaya marami pa rin ang walang trabaho o kaya ay hindi regular ang trabaho. Halos lahat ay nagsisikap na mapunan ang mga pang-araw-araw na gastusin,” ayon kay Gatchalian.

Ayon sa survey na isinagawa ng Pulse Asia Research Inc. noong Nobyembre 2020, umabot sa 58 porsiyento sa 2,400 na na-survey ang nagsabing nawalan sila ng trabaho o pinagkukunan ng kita kasunod ng pandemya. Ang pinakaapektado ay ang mga nasa Class D at E. Nasa 58 porsiyento sa Class D at nasa 64 porsiyento naman sa Class E ang nagsabing nakaranas sila na mawalan ng trabaho o pinagkakakitaan. Higit sa kalahati o 57 porsiyento ng mga taga-Mindanao ang nagsabing nabawasan ang kanilang suwe-do o kita samantalang 53 porsiyento ng mga nasa Class A, B at C ay nagsabing nawalan din sila ng trabaho o pinagkakakitaan.

Sa datos naman ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 3.8 milyon ang mga nawalan ng trabaho noong Oktubre ng nakaraang taon kung ikukumpara sa datos ng parehong buwan ng 2019 na 2.1 milyon.

“Habang hindi pa humuhupa ang pandemya, patuloy pa rin sana ang pagiging maluwag ng distribution utilities (DUs) tulad ng Meralco pagdating sa pagbabayad ng koryente,” sabi ni Gatchalian.                  VICKY CERVALES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *