(‘Bayaw’ ni dating ASG Leader Isnilon Hapilon) PULIS NA SAYYAF NAARESTO SA ZAMBOANGA CITY

INIHARAP sa media ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Guillermo Eleazar ang isa sa kanyang mga tauhan na natuklasang miyembro umano ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Kahapon, Agosto 1, ni Eleazar si Masckur Adoh Patarasa sa Police Region Office-9 sa Zamboanga City, na naaresto noong Hulyo 30 sa isang joint police operation.

Batay record ng korte ng Isabela City, Basilan, may kinahaharap na kasong kidnapping with serious illegal detention si Patarasa, na kilala rin bilang si alyas “Makong” o “Omair Sali Taib,” ayon kay Eleazar.

Si Patarasa ay isa rin umanong finance at logistics liaison officer ng Dawla Islamiya at ASG, at kasali sa Martial Law Arrest Order No. 1 noong Marawi siege noong 2017.

Lumabas sa imbestigasyon na binalak ni Patarasa na magpadala ng pondo sa mga ASG member na lumalaban sa Marawi.

Bayaw din umano ni Patarasa ang napaslang na si dating ASG leader Isnilon Hapilon, isa sa mga nanguna sa panig ng mga terorista sa Marawi siege.

Taong 2015 nang sumali sa PNP si Patarasa, na aktibong non-uniformed personnel sa Banguingui Municipal Police Station sa Sulu.

Dahil sa insidente, hihigpitan ang pag-screen sa mga aplikanteng papasok sa PNP.
EUNICE CELARIO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *