COMPOUND SA NAVOTAS 2 LINGGONG LOCKDOWN

ISINAILALIM sa dalawang linggong lockdown ang isang compound sa Lungsod ng Navotas matapos magkaroon ng apat na residenteng nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, nagsimulang ipatupad ang lockdown sa compound sa Manalaysay St., Brgy. San Roque ng alas-8:01ng gabi ng Enero 25 hanggang 11:59 ng gabi ng Pebrero 8.

Layunin nito na mapigilan ang paglaganap ng virus sa lugar kung saan nakapagtala ang lungsod ng13.46% growth rate sa mga kaso nito sa pagitan lamang ng dalawang linggo.

May 13 namang mga close contact na dinala na sa isolation facility ng lungsod.

“Mag-iisang taon na po ang problema natin sa COVID-19 pero di po tayo magsasawang magpaalala na dapat sundin natin ang safety mea­sures: pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng mga kamay, pagdistansya ng 1-2 metro mula sa iba, at pananatili sa bahay hanggang maaari. Sa ating pakikiisa, matatapos din ang pan­demya”, paalala ng alkalde.

Sa ulat ng City Health Office,mula Enero 25 ay isa ang nadagdag na nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod kaya’t umabot na sa 5,581 ang tinamaan ng sakit, 72 dito ang active cases habang nasa 5,336 ang recoveries kabilang ang tatlong nadagdag na gumaling, samantalang 173 ang namatay. EVELYN GARCIA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *