COVID-19 VACCINATION PROGRAM  BILL  LUSOT NA SA SENADO!

TATAK PINOY

LUSOT na po sa Senado ang ating isinusulong na Senate Bill 2057 o ang COVID-19 Vaccination Program Act na naglalayong mapabilis ang ating pagbili at distribusyon ng COVID-19 vaccines.

Kaagapay po natin sa pagpapasa ng nasabing panukala ang 22 magigiting nating kasamahang senador dahil iisa ang layunin ng inyong mga lingkod-bayan sa Mataas na Kapulungan —  ang maisakatuparan sa lalong madaling panahon ang pangarap nating mabakunahan ang publiko laban sa pandemyang ito.

Matagal na tayong naghihintay sa pagkakataong ito. Napakalaking pinsala na ang inabot natin – maraming buhay ang nawala, maraming hanapbuhay ang natigil – maraming kababayan natin ang  lalo pang naghirap.

Sa pamamagitan ng panukalang ito, malaki ang tiwala natin na ito na ang simula ng ating muling pagbangon. Hindi na kakayanin pa ng sambayanan ang pahirap na dulot ng pandemya.

Sa sandaling maisabatas na po ang panukala nating ito – sa sandaling mapagtibay na ito ng ating Pangulo, ang gobyerno, ang mga pamahalaang lokal at ang pribadong sektor ay papayagang bumili ng kani-kanilang bakuna sa kooperasyon ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) at ng Department of Health (DOH).

Kaliwa’t kanang local governments ang gustong-gusto nang pasimulan ang kanilang vaccination programs. Hinihintay na lamang nilang maisabatas ang ating panukala upang makaiwas naman sila sa posibleng usapin kaugnay sa legalidad sa pagbili ng iba’t ibang pangangailangan tulad nga po nitong bakuna.

Sa pamamagitan kasi  ng batas na ito, sasalagin nito pansamantala ang bisa ng Republic Act 9184 o ang Government Procurement Act, Presidential Decree 1445 o ang Government Auditing Code of the Philippines, gayundin ang Local Government Code upang malaya ang ating local governments at ang mga pribadong sektor na bumili ng bakuna para sa kani-kanilang nasasakupan. Gayunman, isinasaad sa batas na kailangan pa rin silang makipag-ugnayan sa DOH at NTF para rito.

Nito po kasing nakaraang linggo, napakaraming mga pinuno ng mga pamahalaang lokal ang lumapit sa atin at may pangamba na baka may kaharapin silang graft cases sa Commission on Audit kaugnay sa vaccine procurement.

Pero dahil po sa batas na ito, mapangangalagaan sila sa posibleng usaping legal.

Nilalaman din po ng panukala nating ito ang isang National Vaccine Indemnity Fund. Layunin naman nito na i-compensate ang mga kababayan nating daranas ng malubhang side effects ng COVID vaccine o maging ang mga posibleng mamatay dahil sa bakunang ito.

Ang indemnity fund ay pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance o PhilHealth at ang pondo ay magmumula sa P500 milyong contingent fund sa ilalim ng 2021 national budget.

Nakasaad din po sa ating panukala na ilibre sa buwis o hindi na papatawan ng anumang uri ng tax and fees ang mga bakunang ito at ang lahat ng suplay na may kinalaman dito, gayundin ang storage, transport at distribution. Nangangahulugan, wala babayarang customs duties, VAT, excise tax, at donor’s tax ang mga darating na bakuna.

At kaugnay  naman sa pagmo-monitor sa mga posibleng makaranas ng adverse side effects ng COVID-19 vaccines, nariyan ang mga eksperto natin na siyang tutugaygay sa mga kababayan nating mababakunahan. Mayroon ding magsisilbing vaccination passports ang mga nabakunahan na naglalaman ng kani-kanilang personal na impormasyon, kailan nabakunahan, ano ang ginamit na bakuna, at kung sino ang nag-administer nito sa kanya.

Muli, nagpapasalamat po tayo sa ating mga kasamahan sa Senado, na walang anumang pagtutol sa pagpasa ng ating panukalang batas. Mabuhay po tayong lahat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *