DAPAT PURIHIN ANG PULISYA SA PAGSADSAD NG CRIME RATE

alex santos

SA kasagsagan ng ipinatutupad na quarantine restrictions sa buong Filipinas nitong mga nakaraang buwan bunsod ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19), pangkalahatang sumadsad ang crime rate o bilang ng mga naitatalang krimen ng Philippine National Police (PNP).

Ang mga nabanggit na krimen ay kinabibilangan daw ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, car theft, motorcycle theft, at iba pa.

Sinasabing ang pagbaba na ito ay bunsod ng mas pinaigting na police visibility sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ibig sabihin, nakikita na raw sa kalye ang mga awtoridad.

Laging may nakalatag na checkpoint sa gabi.

Patunay daw ito na ginagawa ng PNP ang kanilang tungkulin para pangalagaan at pagsilbihan ang mamamayan.

Sa panayam ng programang SANTOS AT LIMA SA 882 [DWIZ], ipinaliwanag ni Joint Task Force (JTF) COVID-19 Shield commander, Lt. Gen. Guillermo Eleazar, na sa nakalipas na 210 araw o 7 buwan mula nang magpatupad ng quarantine restrictions ay bumaba ng 46% ang crime rate.

Ayon kay Eleazar, kung aanalisahin, katumbas na lamang ito ng 95 krimen na naitatala kada araw sa buong bansa.

Nasa 44% ang isinadsad ng crime rate sa Luzon, 50% sa Visayas, at 44% naman sa Mindanao.

Napakalaki ng pagbaba na ito kung ikukumpara sa nakalipas na pitong buwan bago ipatupad ang quarantine na tinatayang nasa 175 na krimen bawat araw.

Ang mga kaso raw ng pagnanakaw ang nakita ng PNP na bumulusok nang todo ang bilang.

Malabo na rin naman daw na bumalik pa sa dating numero ang mga naitatalang krimen dahil sa mas magandang latag ng seguridad sa buong bansa kahit papaluwag na ang quarantine restrictions bunsod ng dahan-dahang pagbubukas ng ekonomiya.

Sa totoo lang, isang malaking hamon sa pambansang pulisya na panatilihin ang pagbaba ng mga naitatalang krimen.

Nariyan pa rin kasi ang pagpapatupad ng mga polisiya ng Department of Health (DOH) para maiwasan ang muling pagtaas ng COVID-19 cases.

Kaya sa ayaw man daw natin o sa gusto, kailangan pa rin nating panatilihin ang mga pampublikong protocols tulad ng social distancing at personal hygiene bunsod ng sitwasyon na wala pang gamot na susugpo sa coronavirus.

Ngunit hindi ito magagawa ng PNP na mag-isa.

Kailangan ang kooperasyon nating lahat.

Ang mabisa nating paraan ngayon ay disiplina, kooperasyon, at dasal para makaiwas tayo sa sakit o virus.

Ang importante, sumunod tayo sa mga awtoridad.

Huwag matigas ang ulo.

Tandaan na ang mga restriksyon, kahit mas maluwag na ito ngayon, na pinapatupad ay hindi upang sikilin ang ating karapatang pantao bagkus ay masigurado ang ating kaligtasan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng ating bansa.

Sa susunod na buwan ay magkakaroon na naman tayo ng bagong hepe ng PNP sapagkat magreretiro na si Police General Camilo “Pikoy” Cascolan pagkatapos ng dalawang buwang panunungkulan.

At sa kabila ng ilang beses na pagpapalit-palit ng mga posisyon at balasahan sa kanilang hanay, nawa’y manatiling matatag ang PNP habang nariyan pa rin ang pandemya.

 

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *