DELIKADO ANG MGA MAY EDAD SA COVID-19

Magkape Muna Tayo Ulit

DAHIL bago itong sakit na tumama sa buong mundo, ang mga siyentipiko ay patuloy itong pinag-aaralan at naghahanap ng gamot laban sa COVID-19.

Pinagbabatayan lamang nila ang datos ng mga tinatamaan ng sakit at kumakalap ng mga ulat sa mga tinamaan ng COVID-19 upang makagawa ng makatuwirang konklusyon sa ‘ugali’ ng COVID-19.

Bago pa man kumalat ang COVID-19 sa Estados Unidos at sa Europa, ang kauna-unahang tinamaan ng COVID-19 ay ang Wuhan City, China. Batay sa datos na nakalap doon, karamihan sa mga namamatay ay mga may edad na. Ganoon din ang nangyayari sa bansang Italy kung saan lumalaki ang bilang din ng kaso ng COVID-19 at karamihan sa mga namamatay ay mga matatanda na.

Hindi naman kataka-taka. Inaatake ng COVID-19 ang respiratory system ng tao. Kaya ang mga matatanda ay madaling biktima ng nasabing sakit. Alam naman kasi natin na habang nagkaka-edad ang tao ay marami na ring lumalabas na sakit sa labas at loob ng katawan. Ang kadalasan na madaling tamaan ng COVID-19 ay ang mga tao na mahina ang baga, may alta presyon, sakit sa puso, diabetic at humihinang immune system na lumalaban sa sakit na dumadapo sa ating katawan.

Sa datos ng Italy, 105 na mga pasyente na namatay sa COVID-19 ay may  edad 70 pataas. Sa Wuhan, kung saan nagsimula ang COVID-19, lumabas na ang datos nila mula Enero hanggang Pebrero nitong taon ay 0.18% na nasa edad 30-39 ang naitalang namatay. 0.40% sa mga may edad 40-49, 1.3% sa may edad 50-59. 4.6% naman ang namatay na may edad 60-69. 9.8% na nasa edad na 70-79 ang namatay at 18% ang mga namatay na may edad 80 pataas.

Subalit ang edad ng tao ay hindi natatanging batayan sa mga maaaring mamatay sa COVID-19. Depende din ito sa estilo ng pamumuhay at sa pagwawalang bahala na maaaring  makapitan ng sakit. Kaya nga mahalaga na pairalin ang tinatawag na social distancing o pag-iwas  sa maraming tao. Magagawa ito sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng bahay at sapat na kalinisan sa katawan at pangangalaga ng magandang kalusugan.

Kaya naman nananalangin ako na huwag tamaan ang ilan sa ating mga opisyal sa gobyerno at mga doctor na patuloy ang trabaho at ilan ay nasa labas upang labanan ang pagkalat ng COVID-19. Ang ilan sa kanila ay nasa edad 60 pataas.

Si Pangulong Duterte ay 74 years old na. Si DND Sec. Delfin Lorenzana ay 71 years old. Si DILG Sec. Eduardo Ano ay 58 years old. Si DOH Sec. Francisco Duque ay 63 years old. Nananalangin ako na huwag silang makapitan ng nakamamatay  na sakit.

Ganoon ang panalangin ko sa ating mga lokal na opisyal, mga doctor at health workers na tumutulong upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Sana ay magtagumpay kayo upang matigil na ito. May mga bilang din sa kanilang hanay ang namatay.

Dahil napag-uusapan  ang edad at COVID-19, may napansin lamang ako sa panonood ko sa telebisyon. Tila tumalima ang ilan sa ating mga TV station na huwag nang magtrabaho ang mga senior citizen nila. Kaya naman hindi na natin nakikita si Mike Enriquez sa himpapawid. Alam naman natin na si Mike Enriquez ay naospital din nang matagal dahil sa isang karamdaman. Siya ay 68 years old. Pero bakit napapanood pa rin natin si dating Bise Presidente Noli De Castro sa TV Patrol? Siya ay 70years old na. Marahil ay pakiramdam niya ay malakas pa siya. Mag- ingat na lang po kayo, Kabayan De Castro.

***

Happy Birthday sa aking kapatid na si Maria Amyliza S. Bueza!

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *