DOF KUMPIYANSA NA BUBUTI ANG ATING EKONOMIYA SA 2021

MUKHANG maganda ang pangitain ng ating pamahalaan na babangon ang ating ekonomiya nitong taon. Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, mangyayari ang nasabing pag-angat ng ating ekonomiya dahil sa abilidad ng ating bansa sa maingat na pagbubukas ng kalakalan at negosyo. Ito ay sa pamamagitan ng mga makabagong polisiya na tinatawag na ‘pump-priming’ bunsod ng malakas na ‘fiscal position’ ng administrasyon na ito.

Inaasahan ni Dominguez na nagbunga ang mga karagdagang pagbabago na isinagawa ng ating pamahalaan noong tatlong buwan ng nakaraang taon na nagsilbing binhi sa mas matatag na ekonomiya ngayong taon. Ito ay sa pamamagitan ng pagbubukas muli ng mga negosyo at pampublikong transportasyon na sumunod sa mga alituntunin ng health protocols ng Covid-19 Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases resolutions.
Matatandaan na dahil sa isinagawang ECQ noong nakarang buwan ng Marso, mahigit P2.1 bilyon ang nawala sa arawang sahod para sa ating mga manggagawa. Bumaba ito sa P700 milyon na halaga ng sahod na nawala araw-araw noong nag-umpisang paluwagin ng ating pamahalaan ang polisiya ng ating bansa mula ECQ patungo sa GCQ.

Sa Metro Manila at karatig lalawigan noong dineklarang GCQ ang estado nito, ang galaw ng pagkahirap ng ekonomiya ay gumanda mula 16.9%, bumaba ito ng 11.5%. Sa unemployment naman mula 17.7% ang walang trabaho, bumaba rin ito sa 8.7%. Sa madaling salita, nag-umpisang kumuha ng mga manggagawa ang mga kompanya.

Subali’t sinabi ni Dominguez na may mga trabaho na maaring hindi na maibalik dahil sa mga panibangong remedyo na ginagawa ng mga kompanya at opisina mula nang magkaroon ng pandemya. Ang tinatawag na ‘work from home’ ay naging ‘new normal’ na sa karamihan ng mga opisina. Kaya naman ang sinasabing ‘digitalization’, upang umakma sa kasalukuyang sitwasyon ay kailangang paigtingin para magkaroon ng karagdagang oportunidad sa trabaho.

Ang agarang pagpapasa ng ating national budget na nagkakahalaga ng P4.506 trillion at pagpapalawig ng Bayanihan 2 ay malaking tulong din sa pagtulak para makabangon ang ating ekonomiya nitong taon ayon kay Dominguez.

Batay sa Chinese zodiac, ang 2021 ay Year of the Ox. Sana naman ay magkatotoo ang mga sinasabi ni Sec. Dominguez na makababangon ang ating ekonomiya para ang ‘Year of the Ox ay maging OKS din sa atin!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *