GARCIA BALIK SA GILAS COACHING STAFF

Caloy Garcia

AMINADO si Caloy Garcia na hindi niya inaasahan ang alok sa kanya na muling maging bahagi ng coaching staff ng Gilas Pilipinas.

Subalit tulad ng ibang mga coach, isa itong magandang oportunidad na maluwag na tinatanggap ng Rain or Shine coach.

“Oo nagulat ako kasi sa dami ng coaches ako ang nabigyan ng opportunity. So I have to grab that,” wika ni Garcia, na kasalu-kuyang nasa Calamba bubble sa Inspire Sports Academy kasama ang iba pa sa national team coaching staff sa ilalim nina Jong Uichico at Gilas Pilipinas project director Tab Baldwin.

Ang veteran 45-year-old na si Garcia ay hindi na bago sa coaching sa national team level.

Siya ang lead deputy ni Yeng Guiao nang sumabak anc Gilas Pilipinas sa 2018 Asian Games sa Jakarta, sa World Cup qualifiers, at sa FIBA World Cup tournament proper mismo na idinaos sa China, dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa pagbabago ng national team, ang akala ni Garcia ay tapos na rin ang kanyang stint sa Gilas.

Subalit ang hindi matatanggihang alok mula kay Baldwin na muling maging bahagi ng coaching staff ay dumating bago pumasok ang 2021.

“I’m happy na isinama ako because I get to learn a new system under coach Tab,” sabi ni Garcia, na itinuturing ang 62-year-old na si Baldwin na isa sa pinakamahusay na coach sa labas ng bansa.

Si Garcia, produkto ng St. Benilde, ay hinirang na bahagi ng coaching staff kasama si champion coach Norman Black of Meralco. Sasamahan nila sina regular members Sandy Arespacochaga, Boyet Fernandez, at Alton Lister

“I’m there to help them also and at least give them my (coaching) thoughts,” anang veteran mentor.

Makaraang pumasok sa bubble sa nakalipas na PBA Philippine Cup, sinabi ni Garcia na nakahanda siyand sumailalim sa kaparehong eksperyensiya bagama’t sa mas maikli, para sa pambansang interes.

Nagpapasalamat din siya at muli niyang kakatawanin ang Rain or Shine franchise sa national team level.

“I asked the permission of Boss Raymund (Yu) and Terry (Que) and pumayag naman sila,” aniya patungkol sa dalawang co-owners ng Elasto Painters. “Anything for the national team, we’ll do anything to make it there.”

Ang Gilas Pilipinas ay magsasanay sa Calamba bubble ng isang buwan bago sumabak sa final window ng FIBA Asia Cup qualifiers na nakatakda sa Feb. 18-21 sa Clark sa Pampanga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *