GENTRI POLICE CHIEF SINIBAK SA PUWESTO

CAVITE- SINIBAK sa kanyang puwesto ang Chief of Police ng General Trias Cavite na si Police Lt Col. Marlo Solero.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Brig General Ildebrandi Usana matapos na mapatunayang dalawa sa kanyang mga tauhan ang nagparusa kay Darren Peñaredondo.

Si Peñaredondo ay curfew hours violator na namatay matapos na 300 beses na pinag-pumping exercise bilang parusa sa General Trias, Cavite noong Abril 1.

Ayon kay Usana,ang dalawang pulis na nagparusa kay Peñaredondo ay sina PCpl Jerome Vibar at PCpl.Kenneth Mercene na sinibak na rin sa puwesto at ngayon ay nahaharap na sa kasong kriminal at administratibo.

Ang mga sinibak sa puwesto ay nasa direct supervision and control ng Provincial Director ng Cavite habang nililitis ang kaso.

Kinumpirma naman ng Cavite PNP director na si P/Col. Marlon Santos ang pagkakasibak kay Solero kung saan ang itinalaga ang deputy police nito na si P/Major Robert Dimapilis.

Gayunpaman, itinanggi ni Solero ang nasabing akusasyon na pinahirapan nila si Peñaredondo subalit nagsumite ng sworn statement ang dalawang kasama ng biktima na nagpapatunay na pinahirapan sila ng mga pulis. REA SARMIENTO/ MHAR BASCO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *