(Giit ng solon) P5K AID SA WORKERS IBIGAY NA

Senador Win Gatchalian-2

IGINIIT ni Senador Win Gatchalian ang agarang pagpapatupad sa P1.3 billion COVID Adjustment Measures Program (CAMP) o P5,000 ayuda sa kada manggagawa sa mga pribadong establisimiyento sa bansa.

Layon nito, anang senador,  na matulungan ang mga apektadong manggagawa para sa mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Sinabi ng senador na ang assistance package na ipagkakaloob ay maaaring tumagal pa ng dalawang linggo kapag natanggap na ng  regional offices  ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng application ng mga benepisyaryo nito.

“The problem with government is red tape and we need to release the funds now. Hindi na natin dapat pinaghihintay pa ang mga apektadong empleyado dahil kapag hindi natin kaagad maibigay ‘yan, baka bukas makalawa makita natin sila ulit sa mga kalsada para maghanap ng kitang iuuwi sa kanilang mga pamilya,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin niya na maaaring gamitin ng DOLE ang  local government units (LGUs) upang matukoy kung sino-sino ang saklaw ng programa upang i-minimize ng ahensiya ang requirements para madaling maipagkaloob sa mga benepisyaryo ang subsidiya.

“Kailangang makipag-ugnayan ang DOLE sa LGUs dahil sa ganitong paraan ay mas mapabibilis na, mas magiging epektibo pa ang pamimigay ng ayuda sa ating mga kababayang nawalan ng trabaho,” giit ng senador.

Para naman sa informal sector workers, emergency employment assistance ang ipagkakaloob ng DOLE, kung saan ipinanukala ni Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang “bridge loan package” para sa  micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

“Ang isa ko pang mungkahi ay isang loan package fund sa mga negosyante natin, lalo na ‘yung mga maliliit na negosyante, para may maipangsuweldo  sila sa kanilang mga empleyado,” anang senador. VICKY CERVALES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *