HOUSE PROBE VS PRIME WATER (Matibay ang mga ebidensiya- solons)

Rep Ferdinand Gaite

TINIYAK ng Makabayan bloc na mayroon silang mga matitibay na ebidensiya at mga testigong handang humarap sa House of Representatives sa oras na gumulong ang imbestigasyon nito sa umano’y maanomalyang pag-take over ng Prime Water Corp sa ilang local water districts sa bansa.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, ang mga resource person at mga testigong kanilang ihaharap ay kinabibila­ngan ng mga empleyado na nawalan ng trabaho, mga consumer na nagrereklamo sa palpak na serbisyo ng Prime Water at mga opisyal ng mga water district na magpapatunay na ni-railroad at may iregularidad sa pinasok na Joint Venture Agreement (JVA) ng Prime Water sa Local Water Utilities Administration (LWUA) kaya nagawa nitong ma-i-take over ang mga Local Water Districts (LWD).

“Kapag gumulong na ang imbestigasyon ay isa-isang malalantad sa mata ng publiko ang sweetheat deals ng Prime Water,” pahayag ni Gaite.

Kasabay nito, pinakikilos ng Makabayan bloc ang liderato ng Kamara na aksiyonan ang kanilang inihaing resolusyon na nakabimbin ngayon sa House Committee on Government Enterprises and Privatization na humihiling na magsagawa ng House inquiry laban sa Prime Water.

Sa inihaing House Resolution No. 10 ng Makabayan Bloc na kinabibilangan nina Bayan Muna Rep. Gaite, Rep. Carlos Isagani Zarate at Eufemia Caramat; Act Teacher party-list Rep. France Castro; Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list  Rep. Sarah Elago ay pinasisilip ang mga JVA na pinasok ng Prime Water dahil may mga pagtutol umano sa 25 taong kasunduan subalit natuloy pa rin ang public-private partnerships sa mga LWD.

Isa sa inihalimbawa ng Makabayan bloc ang JVA ng Prime Water sa San Jose del Monte City Water District na mahigpit na tinututulan umano ng consumer group na Alliance for Consumers Protection  at mga residente dahil tataas ng hanggang P500 ang singil sa tubig sa pag-take over  ng Prime Water gayong ang dati lamang binabayaran ay P280 kada buwan bukod pa rito ang reklamo sa mababang kalidad ng tubig at kakulangan ng supply.

Gayundin ang kawalang konsultasyon umano sa pag-take over ng Prime Water sa Bacolod City Water District na nagresulta sa pagkawala ng trabaho ng may 300 empleyado nito.

Sinabi ni Gaite na hindi dapat magkibit-balikat ang mga mambabatas sa reklamo ng mga consumer laban sa Prime Water dahil karapatan ng bawat isa na magkaroon ng mura, malinis at sapat na tubig at sanitation alin­sunod na rin sa itinatakda ng United Nations Committee on Economic, Social and Cultural Rights.

Ang interes umano ng mga consumer ang dapat na ma­ngibabaw at hindi ang interes ng mga negosyante gaya sa kaso ng Prime Water na nagawang ma-i-take over ang operasyon ng may 70 water districts sa maikling panahon.

Sa kasalukuyan, ang Prime Water ay nag-o-operate na sa may 16 rehiyon, 36 probinsya at 125 munisipalidad at siyudad.

Sa Senado ay may kahalintulad din na panawagan si Sen. Richard Gordon na imbestigahan ang LWUA sa naging aksiyon  nito na isapribado ang mga water district na ang mga kontrata ay nakopo ng Prime Water. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *