HUWAG HADLANGAN ANG BAYANIHAN 3

SA tuwing nakararanas ng matinding pagsubok ang bansa, lumulutang ang diwa ng bayanihan nating mga Filipino.

Noong unang bahagi ng taong 2020, ginulantang tayo ng pagsabog ng Taal Volcano sa Batangas.

Nabulaga ang lahat lalo na ang mga kababayan nating naninirahan malapit sa bulkan.

Nagkatarantahan at hindi mawari ang gagawin kung saan tatakbo.

Nilisan ng maraming mamamayan ang kanilang mga bahay upang makatakas sa nakakasulasok na amoy mula sa bulkan at sa makapal na abo.

Ang masaklap, sinabayan pa ng COVID-19 pandemic ang pagputok ng bulkan.

Hanggang ngayon nga, hindi pa tapos ang pandemya.

Nakatutuwa na sa mga ganitong senaryo, nakikita ng buong mundo na tayo ay nagkakaisa sa panahon ng krisis.

Sa unang sigwada ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong nakaraang taon, may mga organisasyon at ordinaryong mamamayan ang bukas-palad na tumulong sa mga apektado ng kalamidad at quarantine measures.

Nakakabagbag-damdamin ang pamamaraan ng pagtulong.

Aba’y hindi man magkakakilala, marami ang hindi nagdalawang-isip na nagbukas ng pinto upang bigyan ng pagkain o tulong ang mga nangangailangan.

Sa panahon ng kalamidad at pagsubok ng bansa, mahalaga ang “bayanihan” na hinugot sa salitang “bayani” at unang ginamit noong 1975 sa isang manuscript na pinamagatang “Vocabulario de la Lengua Tagala” nina P. Juan de Noceda at P. Pedro de Sancular.

Tumutukoy ito sa diwa ng pagkakaisa ng isang pamayanan para makamit ang isang partikular na mithiin na naging laganap sa buong bansa.

Tradisyon din ang bayanihan kung saan ang paglipat ng tirahan ng isang pamilya ay pinagtutulungan ng buong komunidad.

Diyan din marahil hinugot ang mga katagang ginamit sa “Bayanihan to Recover as One Act” (Bayanihan 1 at Bayanihan 2) na pawang mga batas na layong tulungan ang mga apektado ng krisis.

Napaso na nga lang ang dalawang batas noong isang taon.

Kaya isinusulong ngayon ang Bayanihan 3 dahil sa nagpapatuloy na pandemya.

Tulad ng Bayanihan 1 at 2, layon din nitong tulungang umahon ang bansa.

Batay sa mga naunang panukala, aabot sa P420 bilyon ang ibubuhos na pondo para sa Bayanihan 3.

Magiging prayoridad ang pagtulong sa mga magsasaka, mangingisda, livestock producers, manggagawa, estudyante at guro.

Handa na raw ang liderato ni Speaker Lord Allan Velasco sa posibleng special session para sa agarang pagpasa ng P420-billion stimulus package.

Wala pa nga lang pahayag ang kampo ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol dito at ito na lang daw ang hinihintay ng Kamara.

Sakaling i-endorso ng Presidente at umusad sa Kongreso ang Bayanihan 3, tiyak na magiging bayani ang mga kongresista sa mata ng publiko pagkatapos ng krisis na ito.

Hindi nga lang ito maaaring gamitin sa politika dahil galit si Pangulong Duterte sa mga epal na politiko at alam naman ng kanilang mga nasasakupan kung karapat-dapat silang iboto muli sa susunod na eleksiyon.

Sa pamamagitan ng pagsuporta sa nakabinbing Bayanihan 3 Bill sa Kongreso, makikita marahil kung sino-sino ang mga mambabatas na maaaring ituring na mga bayani.

Huwag mag-alinlangan o matakot na maging isang bayani sa inyong constituents sa sarili ninyong paraan.

Ngayon kayo kailangan ng inyong mga nasasakupan.

Umpisahan na ito, suportahan o magtulungan para makamit ang positibong pagbabago at ganap na pagbangon na nais natin sa ating bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *