HUWAG MANGARAG SA PAGKUHA NG RFID

alex santos

KASABAY ng mabilis na pag-usad ng panahon ang mabilis na pagbabago sa mundo.

Dahil hayok ang bawat isa sa pagbabago, isinilang ang teknolohiya.

Lalo pang lumalawak ang kaalaman ng lahat tungkol sa mundo at ito ay dahil sa modernong panahon na kinabibilangan natin sa kasalukuyan.

Halos hindi na rin natin maisagawa ang simpleng pakikipag-usap sa ating pamilya sanhi ng mga gadget na mas pinagtutuunan natin ng atensiyon at oras.

Lahat na yata ay nakadepende na sa moderno at makamundong teknolohiya.

Hindi naman masama ang paggamit nito ngunit may mga bagay na dapat nating tinatrabaho at hindi kailangang iasa sa teknolohiya.

At dahil sa teknolohiya at pandemya, obligado nang magpa-install ng Radio-Frequency Identification (RFID) sa kanilang mga sasakyan ang mga motorista.

Wala na kasing atrasan sa implementasyon ng cashless payment sa gitna ng coronavirus pandemic.

Noong unang araw ng bigayan ng stickers, umabot ang pila ng Balintawak Toll Plaza hanggang EDSA habang mahaba rin ang pila sa Mindanao Avenue Toll Plaza.

Sabagay, halos lahat ng toll plaza ay ubod ng haba ang pila.

Simula Nobyembre 2 ay ipatutupad na raw ang cashless payment upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Aba’y RFID na lang ang tatanggapin bilang bayad sa paggamit sa NLEX, SCTEX, CAVITEX at CALAX na pinatatakbo ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).

Noong Agosto pa nagsimula ang implementasyon nito pero hindi ito agad ginawang mandatory o sapilitan.

Ang RFID ay hindi libre. Binibili ito at kailangang lagyan ng laman na parang mobile phone.

Tuwing dumadaan ng tollgate ang motorista, awtomatikong babasahin ng sistema ang RFID at makakaltasan din ito sa halagang dapat singilin sa paggamit ng tollway o depende sa layo ng destinasyon.

Inulan ng reklamo ang Department of Transportation (DOTr) dahil dito.

Parang nag-panic buying kasi ang mga tao.

Inaasahang lahat ng tollways ay ganyan na raw ang uri ng bayaran.

Matagal nang ginagawa sa ibang bansa ang ganyan at wala namang argumento na maganda ang nabanggit na sistema.

Samantala, sa panayam ng inyong lingkod sa programang WALANG SINASANTO sa RADYO PILIPINAS 738 kHz, ipinaliwanag ni MPTC chief communication officer Romulo Quimbo Jr. na matagal pa ang deadline ng pagkuha ng RFID.

Kaya hindi raw dapat mag-panic buying ang mga motorista.

Sinasabing ang Nobyembre 2 ay iminamandato lamang sa kanila ng DOTr na dapat handa na sila sa pagpapatupad ng sistema.

Hanggang sa Disyembre nga raw ng taong kasalukuyan ay puwede pang kumuha ng sticker o kahit sa susunod na taon.

Aniya, kung bihira lang namang dumaan sa tollways, hindi na dapat sumabay sa buhos ng mga taong araw-araw ay bumibiyahe.

Tiniyak ni Quimbo na paglilingkuran ng 51 installation sites ng MPTC nang 24/7 ang publiko.

Balak ding magsagawa ng MPTC ng drive-inn installations ng RFID sa mga toll plaza.

Ayon kay Quimbo, nakasalalay naman sa Toll Regulatory Board (TRB) ang desisyon kung magtataas sila ng toll fee o hindi ngunit may nakabinbin na raw silang petisyon para rito.

Well, maganda naman ang layunin ng implementasyon ng RFID sapagkat mababawasan ang hawahan ng COVID-19 at wala nang palitan ng pera sa tollway.

Marami nga lang mawawalan ng trabaho dahil tiyak na tatamaan dito ang maraming tollway collectors o tellers.

Hindi lang iisang kompanya ang gagamit ng RFID.

Noon pa man dapat ay may ganito nang sistema na nakamit ang ating bansa.

Kailangan lang ayusin ang anumang gusot o problemang lalabas upang hindi magkaroon ng kalituhan o kaguluhan sa mga tollway kapag umarangkada na ang implementasyon nito.

Mahalaga ring sulyapan at isaalang-alang ang kalagayan ng mga mawawalan ng hanap-buhay dahil sa pagbabagong ito.

Patunay iyan na hindi lahat ay uunlad o aangat sa pagyabong ng teknolohiya.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *