HUWAG SAKALIN ANG METAL SECTOR

HINDI maitatanggi na sapul nang magsara ang National Steel Corporation (NSC) sa Iligan City, Lanao del Norte noong 2009, ang industriya ay napilitang sumandal sa pag-aangkat ng mga materyales sa ibayong dagat.

Kabilang sa mga ini-import nila ay ang galvanized steel coils o materyales sa paggawa ng yero, steel sheets o plates, at iba pang raw materials.

Tunay na mahalaga ang papel na ginagampanan ng steel product manufacturers sa infrastructure program ng pamahalaan, partikular sa Build, Build, Build projects ng Duterte administration.

Sa pamamagitan nito, nakakabangon ang ekonomiya mula sa matinding hagupit ng COVID-19 pandemic.

Gayunman, ayon kay Jimmy Chan, direktor ng Iron and Steel Institute, problemado ngayon ang mga miyembro ng steel industry dahil daw sa red tape sa importasyon ng raw materials na ginagamit nila sa paggawa ng bakal at yero.

Ang daing nila ay nag-ugat sa inilabas na Department Administrative Order (DAO) ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan ga-bundok daw ang mga dokumentong kakailanganin nila para mai-release ang mga angkat nilang materyales.

Sa panayam ng inyong lingkod sa programang IZ SA ALAS-SAIS sa DWIZ 882, binanggit ni Chan na waring sinasakal sila sa mahabang panahong ginugugol nila sa dokumentasyon at sertipikasyon na aniya’y maaari pang magdulot ng kakapusan ng raw materials sa hinaharap.

Siyempre, maging ang infrastructure projects ng pamahalaan ay maaapektuhan din.

Bukod dito, namemeligro ring tumaas ang presyo ng yero at iba pang steel products o bakal sakaling maipatupad nang tuluyan ang DAO.

Kaya hinikayat ni Chan ang DTI na bigyan muna sila ng mas mahabang panahon upang bumalik sa normal ang kanilang operasyon at matupad nila ang mga rekisitos na itinatakda sa ilalim ng direktiba.

Nais ng mga steelmaker na pagbigyan muna sila ng gobyerno at payagan silang makuha ang mga imported material na karamiha ay nabili bago pa lamang inilabas at ipinatupad ng DTI Bureau of Philippine Standards (BPS) ang DAO.

Inaasahan daw kasi na ang mga produkto ay darating anumang araw hanggang Abril ngayong taon.

Sa halip daw na luwagan sila dulot ng krisis, tila sinasakal pa raw sila sa pagdaragdag ng ilang probisyon na nag-oobliga sa kanila na magbigay ng karagdagang technical documents para mai-release ang kanilang imported materials.

Tsk, tsk, tsk.

Naniniwala si Chan na hindi napag-aralang mabuti ang DAO.

Iminungkahi rin ng steel traders na i-convene o konsultahin ang lahat ng sektor na posibleng tamaan ng epekto ng direktiba.

Well, tama nga naman si Chan.

Maaaring mabalam ang P6- trillion BBB program ng gobyerno na kinabibilangan ng 75 paliparan at pantalan, tulay, highways, railways at hospitals.

Tandaan na hindi lamang ang mga consumer ang dapat pinoprotektahan ng gobyerno kundi maging ang buong industriya.

Isa pa, ang ganitong siste ay tila taliwas sa RA 11032 o “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act” at isa pang batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong puksain ang red tape sa mga ahensya ng pamahalaan.

Sa pagkakaalam ko, dati ay nagsasagawa rin ang Civil Service Commission (CSC) ng anti-red tape test sa mga ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng kanilang Report Card Survey (RCS).

Aba’y sa ilalim ng RCS, may pinasasagutan na mga tanong sa mga taong nakipag-transact sa government offices at hindi ko lang tiyak kung may ganitong proseso pa sa CSC.

Kung nagpapatuloy o updated ang anti-red tape test ng komisyon, posibleng lumagpak itong DTI.

May mga nagsasabi nga na sa ilang tanggapan ng pamahalaan ay uso pa rin daw ang “padulas” para mapadali ang pag-aayos ng dokumento o mga papeles.

Naku, kung totoo man ito, aba’y mas maganda sana kung sisibakin sa puwesto ang mga taong gobyerno na hindi naglilingkod nang maayos sa mamamayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *