HUWAG TULARAN ANG 16 POLICE TRAINEES

alex santos

SADYANG mabigat na responsibilidad ang nakaatang ngayon sa balikat ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco “Chie” Feranil Gamboa.

Paano naman kasi, marami pa ring mga pasaway na pulis.

Sabi nga, walang  ibang sumisira sa PNP kundi ang mga miyembro rin nito.

Nariyan pa rin daw ang mga pulis na nang­huhulidap, kotongero, sangkot sa droga, at nangingidnap.

Ngunit darating ang araw na mahuhubaran din sila ng maskara.

Ang iba naman, kung makaasta ay mga sanggano at naghahari-harian dahil may baril sila sa baywang.

Kung makaporma, animo’y sila na ang pinakasikat at kahit sino ay kaya nilang sindakin.

Para bang iniisip nila na puwede nilang gawin kahit ano, kahit pa mayroon silang sinumpaan sa kanilang tungkulin.

Ang mga ganitong maaangas na pulis ang dapat tagpasin ni Gamboa.

Nang umupo noon sa puwesto si dating PNP Chief Oscar Albayalde, umasa ang marami na mapapatino niya ang mga pasaway na pulis.

Oo, nabawasan daw. Ang masama, maging si Albayalde ay sumabit.

Sinasabing nabawasan tuloy ang mga nagtitiwala sa mga pulis dahil sa mga mayayabang, maaangas at sangganong miyembro ng organisasyon.

Kaya nang maitalaga si Gamboa, mataas ang expectation sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging ng publiko.

Bukod kasi sa pagiging abogado, walang bahid-dungis daw ang mamang heneral dahilan upang iluklok ito ng Presidente sa puwesto.

Pinatunayan ito ni Gamboa nang ipag-utos niya ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa 16 police trainees makaraang mahuling nag-iinuman sa kanilang dormitory kung saan ipinost pa ng mga ito ang kanilang litrato at video sa social media.

Hindi na sila naka-graduate at hindi na magiging pulis.

Sadyang hindi muna niya pinangalanan ang nabanggit na police trainees habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon.

Pinatalsik din ang lahat ng opisyal ng Regional Training Group sa ilalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO) bunga ng command responsibility bunsod nga ng ginawang kalokohan ng mga recruit.

Maging si NCRPO Director Police Major General Debold Sinas ay umusok ang tenga sa galit.

Napanood din daw yata ni Sinas ang video kung saan ginamit ng police recruits ang messenger app sa Facebook para i-share ang kanilang pag-iinuman sa loob ng dormitoryo.

Kung magpapatuloy ang mga ganitong hakbang ng liderato ng PNP, maaaring maibalik nang tuluyan ang tiwala ng mamamayan sa kanilang hanay.

Sinisira ng mga ga­nitong klase ng police recruits ang organisasyon kaya nararapat na unahin silang tagpasin. Hindi karapat-dapat sa PNP ang mga mayayabang, lasenggero, at sanggano.

Kapansin-pansin naman na pawang mga baguhan o police trainees ang mga sumasabit at pasaway.

Sila ‘yung mga bagong pulis na katatapos lamang ng training o kaya’y bagong graduate at isinabak na sa lara­ngan.

Karamihan sa kanila ay mga payatot pa at walang tiyan.

Gayunman, sa kabila ng kanilang kapayatan at kawalan ng bilbil, sagana naman ang utak nila sa kalokohan at kasamaan.

Tila mga asong gutom na pinakawalan sa kalye at bawat makita ay sinasakmal.

Tama lamang ang ginagawa ngayon ni Gamboa.

Nagpapakita lamang ito na dedicated siya sa trabaho at handang gawin ang lahat para mawalis ang mga sumisira sa imahe ng Pambansang Pulisya.

Marami nang naging PNP Chief pero ngayon lamang nagkaroon nang masasabing tunay na pag­lilinis na walang sangkap nang pagbabalat-kayo.

Ipinakikita rin ni Gamboa na kakaiba siya, bagama’t marami pa naman talagang dapat gawin para lubusang masupil ang mga iskalawag at mga pasaway sa kanilang orga­nisasyon.

Inaabangan ng taumbayan ang mga gagawin pa ni Gamboa para lubusang maibangon ang nadungisang imahe ng PNP.

Sige pa, Atty. General Gamboa, saludo po kami sa inyong ginagawa!

o0o

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am). Makinig din araw-araw sa Radyo Pilipinas (2pm-3pm) sa programang “WALANG SINASANTO”. Mapapanood ni’yo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong alas-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede ni’yo akong i-follow sa twitter account @iamalex­santos

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *