(Iginiit sa gitna ng pandemya) EXTENSION SA ITR FILING DEADLINE

Nancy Binay

NAIS ni Senadora Nancy Binay na palawigin ang deadline sa paghahain ng annual income tax returns para sa taong 2020.

“I-extend na lang sana ang April 15 deadline, kahit na sa NCR Plus lang. We already extended last year dahil sa enhanced community quarantine. Nasa parehong sitwasyon tayo a year later, kaya hindi ko naiintindihan bakit hindi mapagbigyan,” pahayag ni Binay.

Naunang sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Deputy Commissioner Arnel Guballa na hindi na  i-e-extend ang deadline ng pagbabayad ng buwis sa gitna ng pandemya.

Dagdag ni Binay, talo ang mga indibidwal at maliliit na negosyo dahil hindi pa nila kayang makumpleto ang requirements dahil sa lockdown.

“Ang talo kasi rito ay iyong mga indibidwal at maliliit na negosyo na limitado ang kapasidad na kumpletuhin ang mga requirements dahil sa lockdown. So para sa kanila, walang bearing ang no penalty amendments dahil baka mismong pag-file hindi nila magawa,” dagdag niya.

Giit ni Binay, hindi dapat magsakripisyo ang taumbayan dahil hindi nila kasalanan ang nangyayaring krisis sa bansa.

“Hindi naman kasi taumbayan ang may kasalanan kung bakit lumala ang sitwasyon na kinakaharap natin. So why are we passing the buck if they aren’t responsible for the mismanagement of this crisis,” sabi pa niya.

“Hindi naman dahil extended ay hindi na magbabayad. Those who are able to will file and pay. Ang panawagan lang naman natin is not to penalize those who are unable to comply because of the difficulties presented by the lockdown,”  dagdag ni Binay. LIZA SORIANO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *