INSURANCE SA MAGSASAKA VS KALAMIDAD PALAWAKIN

SEN IMEE MARCOS-5

BINUHAY ni Senador Imee Marcos ang panawagan noong nakarang taon na pala­ wakin ang crop insurance para sa mga magsasaka, sa harap ng inaasahang mabagsik na hagupit ng bagyong Rolly na nagbabantang maminsala sa palayan, maisan, niyugan at mga taniman ng gulay.

Sinabi ni Marcos,  chairman ng Senate Committee on Economic Affairs,  libo-libong mga magsasaka sa Ilocandia, sa Central Luzon at Bicol ang nalubog na sa utang sa pananalasa ng mga katatapos lang na mga bagyo na nagpadapa sa mga palayan sa kalagitnaan ng anihan nitong Oktubre.

Dagdag ni Marcos, mahihirapang maka-rekober sa susunod na planting season ang mga magsasakang ang mga pananim ay hindi insured.

“Posibleng maharap tayo sa matinding kakapusan ng bigas, mapipilitan tayong umangkat, at paulit-ulit na lamang ang hirap na kalagayan ng mga magsasaka. Kahit bago pa maipasa ang GAA 2021, dapat nating bigyan ng crop insurance ang mas maraming magsasaka ASAP, ” diin ni Marcos.

“Kapag sila’y saklaw ng sapat na insurance, may tsansa silang makaahon sa nabulilyasong anihan. Hangga’t walang naipapasang kaugnay na lehislasyon, lagi na lang nganga ang mga magsasaka sa gitna ng kalamidad,” dagdag pa ni Marcos.

Inihain ni Marcos ang Senate Bill 883 noon pang Agosto 2019 para maparami pa ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang 2.27 milyong magbubukid at mangingisda na naitalang insured laban sa mga kalamidad at pamemerwisyo ng mga peste, dahil 33.5% lamang ito ng kabuuang bilang nila.

Hindi na kailangan pang hintayin ng mga magsasaka na magdeklara ng state of calamity o tapusin ang assessment sa pinsala bago sila makakubra sa insurance, ayon sa panukala ni Marcos.

“Awtomatiko nang makukuha ang bayad kahit pa kasagsagan ng bagyo, basta’t naabot na ang dami ng ulan at bilis ng hangin na tinutukoy sa sinasabing index-based system,” paliwanag ni Marcos.

“Ito’y alternatibo para sa mga magsasaka sa liblib na mga lugar kumpara sa tradisyonal na sistemang nag-aalok ng mataas na pay-out pero obligado namang maghain pa ng patunay sa pinsala at maghintay pa ng assessment,” dagdag ni Marcos.

Para magkaroon ng mas mataas na kumpiyansa ang mga pribadong insurer na back-upan ang mga mgasasaka, layon din ng panukalang batas ni Marcos na gawing reinsurance agency ang PCIC na sasakupin ang agricultural insurance na hindi saklaw ng Philippine National Reinsurance Corporation (NatRe).

“Ang pangangalaga sa ating mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng crop insurance ay mas magpapatatag din sa produksyon at seguridad ng ating pagkain,” ani Marcos.

Ang Filipinas ay pangatlo sa mga bansang pinakalantad sa kalamidad batay sa ulat ng World Risk Index.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *