ISANG MUNGKAHI PARA SA TUPAD-BKK NG DOLE

PUSONG PANALO

SINIGURO ng  Department of Labor and Employment (DOLE) na bibigyan ng tulong ang mga manggagawang Pinoy, kasama ang mga OFW, na apektado ng COVID-19.

Hinikayat ni Silvestre Bello III, ang ating Labor Secretary, ang mga pribadong kompanya na mag-apply sa CAMP (COVID-19 Adjustment Measure Program) upang makatanggap ng limang libong pisong ayuda ang kanilang mga empleyado o manggagawa.

Ang mga kompanyang  kwalipikadong mag-aplay sa CAMP ay yaong mga nagpapatupad ng work-from-home na sistema o yaong mga nag-sara nang dahil sa pandemic.

Ang mga manggagawang self-employed o yaong mga kabilang sa tinatawag na informal sector ay makatatanggap din umano ng tulong mula sa DOLE sa pamamagitan ng programang TUPAD BKK o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers – #BarangayKoBahayKo.

Ang mga kwalipikadong makatanggap ng halagang P310 kada araw sa loob ng 10 araw ay kinakailangang maglinis ng kanilang bahay at kapaligiran nang hindi bababa sa apat na oras sa loob ng 10 araw na itinakda ng DOLE.

Makatatanggap din sila, bukod sa arawang suweldo, ng personal accident insurance at gamit sa paglilinis. Ang pagsasagawa ng programang ito ay iniaatas ng DOLE sa mga barangay at LGU.

Hindi ko maiwasang magtaka kung bakit awtomatiko ang pagbibigay ng ayuda sa mga empleyado ng mga pribadong kompanya, ngunit ang pagbibigay ng tulong sa mga manggagawa sa informal sector ay kailangan pa nilang pagtrabahuhan sa loob ng 10 araw. Mas maliit din ang cash na matatanggap nila mula sa DOLE.

Mainam na payuhan ang lahat, anuman ang katayuan sa buhay, na maglinis ng bahay at paligid. Mas mabuti ring bigyan ng pamahalaan ang lahat ng kwalipikadong manggagawang nangangailangan ng tulong ng pantay-pantay na ayudang pinansiyal, empleyado man siya sa pribadong sektor o manggagawa sa sektor na di-pormal.

Sana ay mapag-aralang muli ng DOLE ang programang TUPAD-BKK para maging mas kapaki-pakinabang ito sa mga nangangailangan nating kababayan.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *