ISANG PANAWAGAN PARA SA ATING INANG KALIKASAN

NOONG Huwebes, ginunita ng mahigit sa 190 na mga bansa ang Earth Day. Dito sa atin, idineklara ang ika-22 ng Abril bilang Earth Day sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 1481. Ang tema para sa taong ito ay “Restore Our Earth”. Isang malakas na panawagan ito upang magtulungan ang lahat na tugunan ang mga problemang dala ng krisis sa klima.

Inorganisa ng Climate Change Commission ang isang online event noong ika-22 ng buwan upang ibahagi sa lahat ang impormasyon tungkol sa mga layunin at kampanya ng bansa para protektahan ang kalikasan. Deklarasyon din ito ng pagtutulungan ng pamahalaan at ng iba’t-ibang komunidad para sa iisang layunin. Layon din ng event na ito ang hikayatin ang lahat ng Filipino upang makiisa sa gawain.

Nakikipagtulungan ang gobyerno sa Kongreso at mga LGU upang matupad ng Pilipinas ang mga kompromiso nito sa Paris Agreement.

Ayon kay Finance Secretary at CCC Chairperson-Designate Carlos G. Dominguez, isa sa pinakamahalagang aksiyon na kailangan nating gawin ay ang pagpapatupad ng mga epektibong polisiya at makatotohanang solusyon upang matugunan ang lumalalang problemang dala ng polusyon mula sa paggamit ng single-use plastic. Ang mga polisiya at solusyong ito ay makakatulong upang maging sustainable ang paraan ng ating produksiyon at pagkonsumo.

Ayon sa pag-aaral, dahil sa patuloy na pagdami ng single-use plastic na basura sa ating mga karagatan, darating ang panahong mas marami na ang plastic kaysa isda sa dagat. Siguradong maaapektuhan ang kabuhayan ng marami kapag nangyari ito. Kaya’t napakahalagang magtulong-tulong ang lahat ng mamamayan upang mabawasan ang polusyong dala ng paggamit ng single-use plastic.
(Itutuloy…)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *