KABUUANG PLANO UKOL SA BAKUNA PARA SA COVID-19 DAPAT MAGING MALINAW AT MAS AGRESIBO

JOE_S_TAKE

NAGPALIT na ang taon ngunit nananatili ang pandemyang COVID-19 hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong mundo. Umabot sa higit sa dalawang libo ang naitalang dagdag sa bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa noong ika-16 ng Enero. Ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa ay tumuntong na sa kalahating milyon.

Inasahan na ng pamahalaan ang muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw kaugnay ng katatapos lamang na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Sa katunayan, muli na namang nakitaan ng biglaang pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa Cebu. Ang dating kabuuang bilang ng aktibong kaso na nasa 81 lamang bago magbagong taon ay pumalo na sa 460 noong ika-13 ng Enero.

Ang Cebu City ang natukoy na ikalawa sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa bansa, kasunod ng Metro Manila. Bunsod ng biglaang pagtaas ng bilang ng kaso sa nasabing siyudad, kinansela ang mga kaganapang nakatakda kaugnay ng selebrasyon ng Fiesta ng Sto. Nino. Maging ang mga misa sa labas ng simbahan ay kinansela ring pansamantala bilang pagtugon sa muling pagtaas ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa nasabing lugar.

Ayon sa Bloomberg, iniulat ng Filipinas kamakailan ang naitala nitong unang kaso ng bagong uri ng coronavirus sa bansa. Isang tao mula sa United Arab Emirates (UAE) ang nakitaan ng bagong uri ng nasabing virus. Ang naturang pasyente ay dumating sa bansa noong ika-7 ng Enero.

Kaugnay ng balitang ito ay malinaw na dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ang pagbili ng bakuna laban sa COVID-19. Dapat din ay maging mas agresibo pa ito ngayong nakapasok na rin sa ating bansa ang bagong uri ng COVID-19.

Ang bagong uri ng COVID-19 na nagmula sa UK ay kinilala na bilang B117. Ito ay unang nadiskubre sa UK noong Setyembre 2020. Ayon sa mga pag-aaral, ito ay pinaniniwalaang mas madaling makahawa kumpara sa COVID-19.

Nakapangangamba ito dahil hindi pa man natin nasosolusyonan ang pandemyang COVID-19, may bago nanaman tayong kinakaharap. Hindi pa man nakapapasok ang bakuna sa ating bansa, may bagong uri ng virus na naman tayong dapat iwasan.

Kinumpirma naman ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na mas mabilis kumalat ang B117 kumpara sa COVID-19. Ayon sa mga mananaliksik mula sa UK, mas mabilis ito makahawa sa antas na 50% hanggang 70% kumpara sa coronavirus. Sa kabila nito, wala pang pag-aaral na makapagsasabi kung mas matindi ba ang epekto nito sa kalusugan ng tao kung ikukompara sa COVID-19. Isa pa sa natukoy na pagkakaiba ay mas madali umano itong tumama sa mga kabataang may edad na 10 hanggang 19.

Ang magandang balita naman sa kabila ng pagkakaroon ng bagong uri ng virus, mismong ang mga siyentista na ang nagsabi na mabisa rin ang bakunang laban sa COVID-19 sa virus na B117. Mismong si Dr. Anthony Fauci, ang eksperto sa infectious diseases sa US, ang nagsabi nito ayon sa mga datos mula sa UK.

Hindi maiiwasan na makaramdam ng pangamba ang mga Filipino dahil sa mga balitang ito. Dapat ay tutukan ng pamahalaan ang pagsiguro na makakuha agad ng bakuna ang Filipinas. Bukod dito, mahalaga ring matiyak na may sapat na badyet ang bansa para rito.

Ayon kay Majority Leader Martin Romualdez, isinagawa na ang mga kinakailangang modipikasyon sa badyet ng bansa para sa taong 2021 upang mabigyang prayoridad ang pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa isang pahayag naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa Cabinet meeting na naganap kamakailan, inanunsiyo nito na P75 bilyon ang inilaang badyet ng pamahalaan para sa pagbili ng bakuna para sa 57 milyong Filipino.  Mayroon din daw mga lokal na pamahalaan na naglaan ng sarili nitong badyet para sa pagkuha ng bakuna para sa mga mamamayan nito na may kabuuang bilang na 13 milyon. Kung ito ay pagsasamahin, lalabas ay 70 milyong Filipino ang mabibigyan ng bakuna.

Ayon sa mga ulat ng mga lokal na pamahalaan, ilan sa mga naglaan ng sariling badyet nito para sa COVID-19 upang makapagpamigay ng libreng bakuna sa mga mamamayan nito ay ang Bacolod City (P300M), Baguio City (P100M), Caloocan City (P125M), Muntinlupa City (P170M), at Dagupan City (P10M). Ang mga ito ay may pinirmahan na kasunduan sa AstraZeneca.

Ang iba naman, bagama’t wala pang kasunduang napipirmahan, ay nag-ulat na maglalaan din ng sarili nitong badyet. Kasama rito ay ang Antipolo City, Bacoor, BARMM, Cainta, Cebu, Makati, Navotas, Taguig, at iba pa.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaasahang sa Pebrero ay makapagsisimula na sa pamamahagi ng bakuna. Mula sa kabuuang bilang na 25 milyong bakuna mula sa parmasyutikal na kompanyang Sinovac mula sa China, nakatakdang dumating sa bansa ngayong Pebrero ang unang batch ng mga bakuna nito na may bilang na 50,000.

Magandang balita naman na napaaga ang pagpasok ng bakuna sa bansa kumpara sa unang nabanggit na Abril. Magandang balita rin na mayroong badyet na nakalaan para sa pagbili ng bakuna sa iba’t ibang parmasyutikal na kompanya. Makatutulong ito sa pagpapanatag ng kalooban ng mga mamamayan, at sa patuloy na pagbangon ng ­ating ekonomiya.

Nawa’y maging transparent ang pamahalaan, pati na rin ang mga lokal na pamahalaan na naglaan ng sariling badyet para sa bakuna ukol sa kung paano at saan ginamit ang mga nasabing badyet. Nawa’y hindi umiral ang korupsiyon dahil hindi ito ang tamang panahon upang unahin ang pansariling interes. Napakarami nang nasawi dahil sa COVID-19. Hindi rin lahat ay may sapat na pera upang makapagpagamot kaya napakahalaga ng mga libreng bakuna.

Ayon sa ulat ng CNN noong nakaraang buwan, hindi pa malinaw sa Kongreso kung ilang tao talaga ang makakakuha ng dosis ng bakuna. Hindi pa raw nailalatag ng pamahalaan ang detalyadong plano nito ukol sa pamamahagi ng mga bakunang papasok sa bansa. Sa aking personal na opinyon, mahalagang mailatag ng pamahalaan ang detalyadong plano nito upang masiguro na sapat ang nailaan na badyet. Mahalaga rin na ilabas ang detalye upang masundan ng kongreso at ng publiko ang paggalaw ng nasabing badyet. Sa pahayag naman ni vaccine czar Charlie Galvez, ang vaccine roadmap ay naisumite na sa pangulo at naghihintay na lamang ng pag-apruba.

Nawa’y mailabas agad ng pamahalaan ang nasabing plano upang magkaroon ng kapanatagan ang publiko. Ngayong sinusubukan nang ibalik sa normal ang takbo ng ekonomiya, at marami sa mga empleyadong dating nagtatrabaho mula sa tahanan ay pinapapasok na sa opisina, mahalagang makita ang malinaw na plano upang maibsan ang pangambang nararamdaman ng mga ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *