(Kahit tapos na ang 14-day quarantine) 30 BARANGAYS SA PASAY TUTUTUKAN

DAHIL sa matatapos ngayong araw ang 14-day quarantine ng 30 mula sa 77 Barangays sa Pasay na sumailalim sa localized community quarantine (LCQ), monitor pa rin ito alinsunod sa health protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Napag-alaman kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa ginanap na virtual zoom meeting na ginanap kahapon bandang alas 2 ng hapon na sa 77 barangay na naka- LCQ, ang Barangay 183 ang siyang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod na may bilang na 34 kaso.

Dahil dito, isinailalim ng lokal na pamahalaan ang naturang barangay sa mas mahigpit na enhanced loca­lized community quarantine (ELCQ) na nakapagtala na rin ng 5 clusters.

Ipinaliwanag ng alkalde, ang tinatawag nilang clusters ay kapag ang isang tahanan ay may mahigit sa 2 kumpirmadong kaso ng virus kung saan 5 clusters ang naitala ng lokal na pamahalaan sa naturang barangay.

Sinabi pa nito, sa 203 health workers na naturukan ng Sinovac kamakalawa sa Pasay City General Hospital (PCGH), ang ilang nabigyan ng naturang bakuna ay nagkaroon lang ng rashes at binigyan lamang ng antihistamine samantalang sa 300 namang frontline health workers na nagpaturok ng Sinovac sa Pasay City West High School (PCWHS) ay wala namang naramdamang adverse effect ang mga ito.

Hinggil naman sa aksiyon ng lokal na pamahalaan sa 26 na na-admit sa PCGH na nagpositibo sa COVID-19 kung saan 8 rito ay mga healthcare workers ay ibinibigay ang kanilang pangangailangan tulad ng gamot at vitamins na panlaban sa COVID-19.

Napag-alaman din na inirekomenda ng dating special adviser ng National Task Force Against Covid na si Dr. Tony Leachon ang pagsasailalim ng lungsod sa enhanced community qua­rantine (ECQ) dahil napabilang na ito sa high-risk area sa Metro Manila.

Ayon pa sa alkalde, kahit kaya naman nilang i-contain ang mga kaso sa komunidad ay sumasang-ayon naman ang lungsod sa rekomendasyong ni Leachon.

Matatandaan na sa 77 na nabanggit na barangay ay mayroong 210 na kabahayan ang nakapailalim sa LCQ. MARIVIC FERNANDEZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *