(Kakailanganin ng DepEd) P33-B PONDO SA LAPTOPS NG TEACHERS

MANGANGAILANGAN ang Department of Education (DepEd) ng P33 bilyon para sa pagbili ng laptops ng mga guro na kanilang magagamit sa distance learning sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa pagtalakay ng House Committee on Appropriations sa 2022 proposed P630.766 billion budget ng ahensiya, sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na kasama sa nais nilang iprayoridad na programa ang kanilang computerization subalit nakadepende ito sa pondong ilalaan sa kanila.

“If we will be providing all teachers with the needed laptops considering the existence of laptops that we have now, we still need P33 billion. This amount to provide everybody with laptops, and then we need another P4 billion for data connectivity for next year for 12 months of connectivity,” pahayag ni Pascua.

Nauna nang tinanong ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro sa DepEd kung kakayanin nitong  bigyan ng gadget ang lahat ng mga guro at estudyante para sa distance learning.

Sinabi ni Pascua na malaki ang naging tulong ng pondo mula sa Bayanihan 2 para sa pagbibigay ng laptop sa mga teaching personnel.

Aniya, sa ilalim ng Bayanihan 2, nasa 40,000 laptops ang naideliver nitong Hunyo pero sa kabuuan, nasa 211,000 laptops na ang naipamahagi.

Idinagdag pa ni Pascua na mayroon pang 36,676 laptops ang nakatakdang ipamahagi mula sa 2020 fund at 65,683 laptops para ngayong taon at sa kabuuan ay aabot sa 353,286 ang mga bagong laptop.

Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, ang kanilang panukalang budget para sa susunod na taon ay anim na porsiyentong mas mataas kumpara sa 2021 budget.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *