KAPAMPANGAN, WAGI SA LOTTO!

GM GARMA

MAGANDANG balita dahil isa na namang suki ng lotto mula sa Angeles City, Pampanga ang naging instant milyonaryo.

Ito’y matapos na magwagi siya ng P9.4 milyong jackpot prize sa regular lotto 6/42, sa lotto draws na isinagawa nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Philppine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma, nahulaan ng naturang lucky lone bettor ang winning combination na 13-28-09-34-25-19, kaya’t naiuwi ang katapat na P9,403,768.20 jackpot prize.

Samantala, mayroon ding 18 bettors ang muntik nang maka-jackpot matapos na mahulaan ang limang tamang numero at nakapag-uwi ng second prize na P24,000, bawat isa.

Sinabi ni Garma na upang makubra ang napanalunan, kinakailangan lamang ng bettor na magtungo sa kanilang punong tanggapan sa Shaw Blvd., Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang winning ticket, gayundin ng balidong identification cards.

Samantala, inaasahan namang lalo pang lolobo ang jackpot prize sa Super Lotto 6/49 at aabot na ng P255 milyon sa isasagawang lotto draw ngayong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Garma, walang sinuwerteng manalo sa Super Lotto 6/49 draw nitong Martes ng gabi na may winning combination na 48-23-15-31-20-43 at jackpot na P246,068,192.80.

Gayunman, may 23 bettors naman ang nakahula sa limang tamang numero at nakapag-uwi ng second prize na tig- P50,000.

Ang Regular Lotto 6/42 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Sabado habang ang Super Lotto 6/49 ay tuwing Martes, Huwebes at Linggo naman. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *