KARAMBOLA NG SASAKYAN: 7 NASAWI, 5 MALUBHA

karambola

MISAMIS ORIENTAL- PITONG katao ang nasawi habang lima ang nasa malubhang kalaga­yan matapos na suyurin ng trailer truck na may kargang heavy equipment ang may 20 sasakyan kabilang ang van na sinasakyan ng pamilya na nanggaling sa lamay sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ni P/Major Evary Bacunaua ng Jasaan MPS- Misamis Oriental PNP naganap ang sakuna pasado hatinggabi sa kahabaan ng national road sakop ng Zone 2, Aplaya, bayan ng Jasaan.

Nabatid na habang tinatahak ng trailer truck na may kargang bulldozer na minamaneho ni Vincent Abuloc ang kahabaan ng national highway ay biglang nabali ang chassis nito dahilan upang sumadsad at mawalan ng kontrol ang driver.

At sa pagsadsad nito, nahagip ang may  20 mga sasakyan kabilang ang sinasakayan ng pamilyang Monticello, Lauron at Kampion na nanggaling lamang sa burol ng isang kamag-anak.

Bukod sa mga nasawi at sugatan mula sa nasabing pamilya ay nadamay din ang dalawang barangay kagawad ng Aplaya na sina Wilredo Capillador, Jr. at Lemuel Edorot sa mga namatay.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng  Jasaan MPS ang driver ng trailer truck samantalang isinugod din sa ospital ang pahinante ng suspek  matapos na kuyugin ng  mga nakasaksi sa malagim na trahedya.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple physical injuries ang driver na si Abuloc. VERLIN RUIZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *