KATAPATAN AY IHAYAG SA DIYOS AT SA BAYAN

TINIG NG PASTOL2

HINDI ko layuning manghimasok sa usaping politika na nagaganap sa ating pamahalaan. Nais ko lamang ilatag sa pitak na ito ang kalagayan ng ating bansa sa usapin ng buwis at kung paano ang ating inaambag sa kaban ng ating pamahalaan ay nagugugol. Totoo, bilang mga mamamayan, may karapatan at tungkulin tayong bantayan at pahalagahan ang buwis na ating ibinibigay sa pamahalaan.

Ngayong panahon ng pandemya, nakita natin kung paano ginugugol ng pamahalaan ang buwis na ating ibinabayad. Naging epektibo nga ba ang serbisyo ng pamahalaan gayong balot ng katiwalian ang ilang mga ahensiya na higit na inaasahan ng bawat mamamayan? Kaya naman, tama lamang na tingnan natin ang kalidad na ibinabalik ng pamahalaan sa atin kung saan ang buhay ng taumbayan ba ay nabibigyang pansin o napapabayaan dahil higit na marami ang nasasayang sa buwis na ating inambag sa katiwalian. Saan nga ba napupunta ang buwis na ating ibinabayad? At bakit ganito ginagasta ng pamahalaan ang buwis na pinagpapaguran ng taumbayan?

Bukod pa riyan, hindi man natin inaasahan para sa ating mga pinuno, subalit sinusubaybayan natin ang mala-teleseryeng agawan sa puwesto sa Kongreso sa gitna ng mahalagang paghahanda sa pagsasabatas  ng ating national budget. Masasabi ba nating ‘in aid of legislation’  ang mga kilos na gaya nito kahit maisaalang-alang na ang ikapakikinabang ng taumbayan sa buwis na kanilang ambag sa magiging pondo ng pamahalaan sa kanyang mga serbisyo sa sambayanan?

Nakalulungkot mang isipin, sa ganitong paraan nalulustay at ginagamit ng mga pinuno sa pamahalaan ang buwis na ating pinaghihirapan sa araw-araw. Kung tutuusin,  ilan lamang ito sa napakaraming proyekto, programa at serbisyong pinupuntahan ang mga buwis na ating ibinabayad. Ilan sa mga nakapanghihinayang na  proyekto ang mga gatasan ng ilang tiwaling pinuno ng ating pamahalaan, nariyan ang mga daan, kanal at tulay na ginagawa ngayon at sisirain bukas at garapalang nangyayari ito kapag nalalapit na ang eleksiyon, ang pagbili at pagpili ng mga sub-standard na  kagamitan sa mga pampublikong paaralan at ospital, at marami pang iba.  Kung ililitanya natin sa pitak na ito ang lahat ng ating naoobserbahan, kulang ang espasyong ito para tipunin ang mga bagay na ito.

Kaya naman itinuturing na pasakit ng nakararami ang kanilang pagbabayad ng buwis dahil hindi sila masaya sa kung saan ito napupunta. Alam natin na mahalaga ito para sa ating bayan dahil sa mga buwis na iniaambag ng taumbayan nanggagaling ang pondo na inilalaan ng pamahalaan para sa kanyang mga proyekto, programa at serbisyong ibinabalik niya sa taumbayan. ‘Yun nga lang, maikukumpara natin ito sa malaking yelo na kung saan maraming kamay ang nagpapasahan hanggang makarating sa pupuntahang proyekto na wala nang matitira dahil sa katiwalian.

Sa ganitong pama­ma­­raan ba natin pananatilihin ang kuwento ng ating lipunan? Sana naman ay hindi lamang dito magpapatuloy ang lahat. Maaari na tayong magsimulang muli para mas maging makahulugan at maunlad ang ating buhay ngayon at sa mga susunod pang henerasyon.  Ito man ang nangyayari ngayon, may pag-asa pang mabago ang lahat at simulan nawa natin ito ngayon.

Ito ang ugnayan ng tao sa buwis na kanyang ibinabayad. Hindi lang niya pinipitas ang pera sa kanyang bakuran upang iambag kundi dugo at pawis ang kanyang puhunan para mabuo ito. Dahil dito, sa pamamagitan ng ambag na ito ng tao, maraming nagagawang proyekto, programa at serbisyo ang pamahalaan. Kaya naman, sa kabila ng sigalot at suliranin tungkol sa walang kamatayang katiwalian at korupsiyon sa pamahalaan hindi pa rin ito matibay na dahilan upang hindi natin tuparin at baliwalain ang pagbabayad ng buwis. Hindi tayo nakatutulong kung gagawin natin ito at wala rin tayong pinagkaiba sa mga binabatikos nating politiko kung sisirain natin ang ating katapatan sa bayan.  Ang tungkuling ito ay mahalaga kaya kailangan nating paghusayan.

o0o

Bukod sa pagpapahalaga sa buwis, sa kabilang banda, ang ating pananampalataya ay inaanyayahan tayo ngayon na tingnan ang ating tungkulin sa Diyos. Tunay ngang ang pagtupad natin sa ating tungkulin sa pamahalaan na ipinamamalas natin sa pagbabayad ng tamang buwis ay mahalaga at katulad din nito,  tayo rin ay may tungkulin sa harap ng Diyos. Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo ayon kay San Mateo (22:15-21) winika ni Jesus sa mga tao, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar at sa Diyos ang sa Diyos. May obligasyon tayo sa bayan at gayun din naman sa Diyos.

Paano natin natutupad ang para sa Diyos? Kung paano tayo tumutugon sa Kanyang panawagan, sa ating pagsasabuhay ng Kanyang mga turo at mga halimbawa nagagawa natin ang para sa Diyos. Mula sa mga mabubuting gawi at pag-uugali tayo ay makapagsisimula. At magiging matingkad ang mga bagay na ito kung dito pa lamang ay tinitingnan na natin ang mga pagpapahalagang dapat nating tamasahin sa buhay at matutunang maisabuhay sa proseso ng pagtanggap natin sa kalooban ng Diyos.

Hindi tayo pinahihirapan ng Diyos dahil hangad lamang Niya ang ating kaligtasan at ang makasama Niya tayo sa buhay na walang hanggan na sa pagkakataon pa lamang na ito ay nararapat na nating linangin at gawin sa ating buhay. Hindi lamang isang ipinasang tungkulin ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, bagkus malaya nawa tayo sa pagtupad dito. Ito ay isang pagtugon na kalakip ay ang buo nating pagsang-ayon.

Tinitingnan ng tao kung alin sa dalawa ang mas mahalaga, gayong may tungkulin ang tao sa dalawang pinagpipilian, wala ngang maitulak-kabigin sa dalawa dahil kapwa sila may direktang impluwensya sa ating pag-unlad. Nais ni Jesus na pahalagahan natin ang ating tungkulin sa Diyos at sa bayan. Huwag sana nating maisaalang-alang ang para sa Diyos.

Harinawa at magampanan natin ang tungkuling ito sa Diyos at sa bayan. Pahalagahan natin ang maibabahagi natin sa bawat isa. Maging responsable nawa tayong mamamayan at gayun din ay mapanatili natin an gating sarili sa kabanalan. Amen.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *