Kung matututo lamang tayong pasakop sa Diyos…

SA bilis ng takbo ng panahon ngayon, kapansin-pansin ang unti-unting paglayo ng tao sa kalooban ng Diyos. May mga pagkakataon sa ating mga pananaw at paniniwala, nagiging matigas na ang ating puso na sundin ang Diyos, waring nagpapahiwatig na ayaw na nating pasakop sa Kanya. Ang nakalulungkot sa atin, mas sasang-ayunan pa natin ang pita ng mundo, kung ano ang nais ipatikim ng mundo sa atin kaysa ang manatili sa paninindigan sa turo at aral ng ating Panginoong Jesukristo.

Kung papaano tayo umuunlad, gayon din naman ang ating pagtamlay sa Diyos. Marami na sa atin ang tumalikod sa Kanya, marami na sa atin ang lumalayo sa Kanya, marami na sa atin ang nakakalimot sa Diyos at marami na sa atin ang lumalaban sa kalooban ng Diyos. Tunay ngang malayo na ang narating ng tao ngayon, subalit kaalinsabay sana ng pag-unlad na ito mas lalo tayong magpunyagi sa pagkilala sa kadakilaan ng Diyos sa ating buhay. Dahil kung tutuusin ang lahat ng mayroon tayo ngayon, ang lahat ng ito ay nagmula sa Diyos.

‘Yun nga lang ang masaklap, sa mga bagay na likhang-isip at likhang-kamay tumitigil ang ating pagkilala, pagkamangha, at pagtangkilik, waring lambong na tumatakip sa ating paningin upang makita natin ang Diyos. Napapaalipin tayo ngayon ng mga bagay na ito at dito na tayo tumigil, sa pakiwari natin sapat na ito kahit wala na ang Diyos, sapat na ito kahit hindi na natin kilalanin ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos.

Bago pa man lamunin at mawala sa atin ang pananampalataya, malaking hamon sa ating lahat na gumising sa bangungot na ito. Huwag nating panatilihing maging bangag sa paghalina sa pang-aakit ng mundo, sa nais nitong ibigay sa atin. Ibalik natin ang ating sigla at sarili sa Diyos na pinagmumulan ng lahat at hindi lamang sa mga bagay na gawa ng tao. Ang nakakatakot sa iba sa atin, ipinagpalit na nila ang Diyos para lamang sa mga bagay na ito.

Magkagayunman, manatili tayong matatag at magkaroon ng pag-asa sa pagharap sa ganitong mundong ginagalawan natin ngayon. Huwag sana tayong masiraaan ng loob na manindigan para sa Diyos. Ang nais ng Diyos ay bumalik na tayo sa Kanya at panibaguhin muli ang ating buhay. Tanging ang Diyos lamang ang dapat nating sundan, ang turo at halimbawa ng Panginoong Jesus ang siya lamang nating maging patnubay at gabay. Mainam at maisuko na natin ang ating sarili para at alang-alang lamang sa Diyos.

Maraming pagkakataon, dala ng pagiging segurista ng tao, upang mas lalong paboran ang sariling kapritsuhan, pinagsasabay ng tao ang pagkilala sa Diyos at sa pagiging makamundo. Ang ating pagbabalat-kayo ang siya nga namang nagdadala sa atin sa kapahamakan. Mas nanaisin pa nating mabuhay sa kasinungalingan, sa pagtatakip sa katotohanan at sa huwad na mundong itinatayo natin sa ating mga sarili basta mapagbigyan lamang natin ang tawag ng laman. Kapansin-pansin ito sa maraming ipinaglalaban nating paniniwala ngayon na sa hinuha ng panahon, hindi naisip ng ating mga ninuno na makabubuti sa kanyang mga inapo, sa ngayon, subalit siya namang pinaglalaban ngayon para mapagbigyan ang sarili.

Panahon na para gisingin tayo sa ating kahibangan. Wakasan na natin ang kapalaluan ng ilan na sumisira sa kamalayan ng mga mas nakararaming kabataan. Tama na ang pakikibaka natin sa mga prinsipyo at ideolohiya na inaalis ang turo ni Jesus, at taliwas sa kaloob ng Diyos. Hindi nais ng Diyos na tayo ay lumayo at mapalayo sa Kanya. Kaya naman pag-isipan natin ang bawat kinikilos at ginagawa nating mga hakbangin kung ito ba ay kalugud-lugod sa Kanya.

Mga kapatid sa pananampalataya, ang Diyos lamang ang dapat nating sundin at sundan, at ito ay sapat na. Wala na dapat tayong ibang sasambahin at paniniwalaan. Wala naman talagang hihigit sa Diyos.

Napatunayan na ito noong unang panahon pa, sa panahon pa ng Matandang Tipan ng Banal na Kasulatan, walang makahihigit sa Diyos. Kung tatapatan natin ito ng ibang kamalayan at mga opinyong walang kabuluhan, huwag nating sayangin ang ating lakas at panahon sa mga bagay na hindi maka-Diyos.

Naglipana na sa ating panahon ang maraming tukso at pang-aakit, ang mga huwad na pangangaral, na maging ang turo ng ating Panginoong Jesus ay sinusubok. Subalit kailanman, hindi magtatagumpay ang tao sa kanyang masasamang balak laban sa Diyos. Ang katapatan at pananampalataya natin ay nararapat lamang nating pag-alabin upang tayo ay maging matibay at matatag sa harap ng mga pagsubok na ito.

Hindi tayo pababayaan ng Diyos lalo na kung hindi rin natin hahayaang magapi tayo ng pagkakasala. Kasalanan ang naglalayo sa atin sa pag-ibig ng Diyos at huwag sana nating pahintulutang lumayo sa pag-ibig ng Diyos. Ang Kanyang biyaya ay nag-uumapaw sa mga taong pinapanatili ang sarili sa katapatan sa Diyos. Hindi niya tayo kailanman, lilimutin at kakalimutan.

Dahil dito, mga kapatid, magandang siyasatin natin ang nilalaman ng ating kalooban ngayon. Mainam na harapin ang mga pagsubok na pinagdadaanan natin ngayon. Nararapat lamang na magpakatotoo na tayo ngayon. Sa maraming suliranin na kinahaharap natin sa buhay, hindi lamang sapat na maniguro tayo, dapat piliin natin lagi ang Diyos at sa Kanya lamang tayo pasasakop.

Kung paano pinahahalagahan ng mag-asawa ang kanilang pagsasamahan, na kanilang naipapakita at naipadarama sa pagpapamalas nila ng pag-ibig at katapatan, maging ganito rin nawa tayo sa harap ng Diyos. Pagsumikapan nating pagtibayin ang pagsasamang ito. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan natin sa pagbuo ng relasyong ito. Huwag sana nating hayaang masira. Ang Diyos kailanman hindi tumalikod, hindi nagdalawang-isip, at lalo’t higit hindi naging tapat sa Kanyang pag-ibig. Ang Diyos ay nananatili at ito ay hindi nagbabago sa Kanyang katapatan sa atin. Mahal tayo ng Diyos. Hindi man Niya tayo inoobliga upang Siya ay mahalin, subalit tinuturuan at nais din Niya tayong mabuhay sa Kanyang pag-ibig. Amen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *