Kung may balak kang magbiyahe

UNTI-UNTI nang nagluluwag ang IATF ng mga polisiya patungkol sa pagbibiyahe sa bansa. Una sa lahat, hindi na kailangan ng COVID testing maliban na lamang kung ang LGU ng iyong destinasyon ay hihingiin ito. Kaya mahalagang alamin muna ang local requirements sa iyong destinasyon bago bumiyahe.

Hindi na rin kailangang dumaan sa quarantine pagdating sa destinasyon, maliban na lamang kung may mga sintomas ng sakit. Hindi na rin kailangang magpakita ng travel authority papers at health certificates.

Napakalaking bagay nito para sa ating mga nagnanais na makabiyahe, umuwi sa pamilya, dumalaw sa kaanak, magbakasyon, o magpunta sa ibang lugar para asikasuhin ang dapat gawin. Maganda rin ito para sa turismo at mga negosyo; unti-unting mabubuhay ang ekonomiya dahil dito.

Nagsimula na ngang magbiyahe at mag-book ng flights ang ilan sa atin. Marami ang sabik nang makapamasyal o makapagbakasyon. Tiyempo rin ito sa pagpasok ng summer season sa bansa.

Napakahalagang paalala para sa lahat, hindi pa rin tinatanggal ang mga alituntunin tungkol sa physical distancing, hand hygiene, cough ettiquette, at ang pagsusuot ng face mask at face shield. Nitong mga nakaraang araw ay tumataas ang bilang ng nagkakasakit sa bansa. May mga bago at mas nakahahawang variants o mutations din ng coronavirus ang lumabas kamakailan. Narito pa rin ang banta ng sakit kaya huwag po sana tayong maging pabaya.

Huwag po sana nating kalimutan, kung tayo man ay may balak na maglakbay, na pangalawa ang Filipinas sa pinaka-tinamaan ng COVID-19 sa buong Southeast Asia, may mahigit sa 570,000 na ang naitalang kaso, at lagpas 12,000 katao na ang namatay sa CO­VID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *