LAKERS UMESKAPO SA NUGGETS

nba

NAGBUHOS si LeBron James ng 32 points, 14 assists at 12 rebounds, habang tumapos si Anthony Davis na may 33 points at 10 rebounds upang pangunahan ang bisitang Los Angeles Lakers sa 120-116 overtime win laban sa Denver Nuggets noong Miyerkoles ng gabi.

Ito ang ika-12 triple-double ni James sa season kung saan napantayan niya si Dallas Mavericks’ Luka Doncic para sa NBA lead.

Tumipa si Dwight Howard ng 14 points at 11 rebounds, at umiskor sina Alex Caruso at Avery Bradley ng tig-10 points para sa Lakers, na nanalo ng 17 sunod sa   road kontra Western Conference opponents. Ang Los Angeles ay 5-1 sa huling anim na laro nito sa kabuuan.

Nagtala si Jamal Murray ng 32 points at 10 assists, habang nag-ambag sina  Nikola Jokic ng 22 points at 11 rebounds, at Jerami Grant ng 15 points para sa  Denver na naputol ang four-game win streak.

Nagdagdag sina Gary Harris ng 13 points at Monte Morris ng 12 para sa Nuggets, na natalo sa dalawang home games sa Los Angeles ngayong season.

NETS 101,

RAPTORS 91

Tumabo si Caris LeVert ng 20 points upang tulungan ang Brooklyn Nets na gibain ang Toronto Raptors, na naputol ang team-record 15-game winning streak.

Naiposte ng Nets ang kanilang ika-5 sunod na panalo sa home at papasok sa  All-Star break na may pitong panalo sa kanilang huling 10 games.

Nagdagdag si Joe Harris ng 19 points para sa Nets, na abante sa hu­ling  43:50. Nagsalansan si Spencer Dinwiddie ng 17 points, 9 assists at 6 re-bounds para sa Brooklyn na bumuslo ng 40.9 percent overall at naisalpak ang  9 sa 35 3-point tries (25.7 percent).

Nakakolekta si Jarrett Allen ng 10 points at 13 rebounds, habang kumalawit din si DeAndre Jordan ng 10 rebounds upang tulungan ang Nets sa 55-42 rebounding edge.

Umiskor si Serge Ibaka ng 28 points upang pangunahan ang  Raptors, na ang huling talo ay isang puntos lamang sa kanilang home court sa San Antonio Spurs noong Enero 12.

Nagdagdag si Fred Van Vleet ng 22 points, gumawa si Pascal Siakam ng 16, at nagposte si Kyle Lowry ng triple-double (12 points, 12 assists, 11 rebounds) para sa Toronto,  na bumuslo ng 37.8 percent at nalimitahan sa under 100 points sa unang pagkakataon magmula noong Enero laban sa Portland.

JAZZ 116,

HEAT 101

Kumamada si Donovan Mitchell ng 26 points at nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng  22 points upang igiya ang Utah Jazz sa panalo kontra Miami Heat noong Miyerkoles ng gabi.

Nagdagdag si Jordan Clarkson ng 21 points mula sa bench, habang kumabig si Rudy Gobert ng 16 points at 20 rebounds para sa Utah na nanalo ng apat na sunod.

Nagbuhos si Jimmy Butler ng 25 points upang pangunahan ang Heat. Nagdagdag si Duncan Robinson ng 18 points at nagtala si Jae Crowder ng 15 mula sa bench.

Sa iba pang laro ay tinambakan ng Dallas Mavericks ang Sacramento Kings, 130-111; ginapi ng Charlotte Hornets ang Minnesota Timberwolves, 115-108; namayani ang  Washington Wizards sa New York Knicks, 114-96; pinataob ng Indiana Pacers ang Milwaukee Bucks, 118-111; at inapula ng Memphis Grizzlies ang Portland Trail Blazers, 111-104.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *