LOCKDOWN SA NAVOTAS CITY HALL PINALAWIG

NILAGDAAN ni Mayor Toby Tiangco ang Executive Order No. TMT-019 na nagpapalawig hanggang Marso 9 ang lockdown sa Navotas City Hall.

Kabilang din sa naka-lockdown ang Navotas City Hall Annex (kasama ang NavoServe) at Franchising Permits Processing Unit.

Ayon sa alkalde, sa isinagawang mass testing ng mga kawani ng city hall ay napag-alaman na may nadagdag na 63 na nagpositibo sa COVID-19.

“Para mapangalagaan ang kapakanan ng bawat empleyado at mga mamamayang pumupunta sa city hall, kinailangan pong habaan pa ang ating lockdown. Kung may urgent concerns man po sa alinmang tanggapan ng pamahalaang lungsod, maaari po kayong mag-email sa office.mayor@navotas.gov.ph” anito.

“Manatili po tayong mag-ingat dahil hindi po natin nakikita ang virus. Kahit hindi man natin iindahin ang COVID-19, maaaring ang mga kasama natin sa bahay na mahihina ang katawan ang lubhang maapektuhan o mamamatay. Wag po tayong kampante at magtulungan tayo para mapigil ang paglala ng hawaan sa ating lungsod” dagdag pa nito.

Unang isinailalim sa lockdown ang Navotas City Hall noong Pebrero 23 sa ganap na 8:01PM hanggang Linggo, Pebrero 28 ng 11:59PM matapos may 24 kawani nito ang nagpositibo sa COVID-19.

At nitong Linggo, pumalo na sa 6,086 ang tinamaan ng naturang sakit sa lungsod, 311 dito ang active cases, 5,582 ang mga gumaling at 193 ang binawian ng buhay. EVELYN GARCIA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *