MAGKAKALAPIT NA PALIPARAN

SIMULA noong nakaraang Marso, nagkaroon tayo ng lockdown dulot ng COVID-19. Isa sa mga tinamaan na industriya ay ang turismo. Kasama na rito ang paggamit ng ating mga paliparan. Bago pa man nagkaroon ng paghinto ng operasyon ng ating mga pangunahing paliparan, maraming sumulpot na plano upang ayusin at pagandahin ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang nasabing paliparan ay ang ating premyadong international airport. Itinuturing ito bilang gateway at simbolo ng ating bansa.

Bago ang lockdown, malaki ang problema ng NAIA dahil nagmistulang kulelat na ito sa mga ibang paliparan ng mga kapitbahay nating bansa. Ang pinag-uusapan dito ay ang kalidad ng modernisasyon at kakayahan upang tumanggap ng dumaraming pasahero mula sa atin at sa mga banyaga.

Sa katunayan, naging problema noon sa NAIA ang mga delayed flights lalo na sa mga biyaheng lokal.

Iisa lamang kasi ang main runway ng NAIA. Kaya naman salit-salit ang lipad at pagdapo ng mga eroplano sa nasabing runway. Siguro naman ay naging biktima na rin kayo sa mga matinding delayed flights noon o kaya naman ay paikot-ikot ang sinasakyan ninyong eroplano sa himpapawaid. Nagtataka kung bakit ayaw pa nito mag-landing sa paliparan.

Kaya naman nagtataka ako kung bakit ang ating pamahalaan ay hindi kinukuha ang pagkakataon na matumal ang galaw ng NAIA upang umpisahan na ang rehabilitasyon nito. Sa katunayan, ibinasura ang proposal ng Megawide upang ayusin ito. Bago ang Megawide, nauna ang isang malaking consortium na kabilang ang mga matitinding korporasyon sa ating bansa upang ayusin ang NAIA. Wala ring nangyari rito. Ano kaya ang problema?

Sa lalawigan naman ng Bulacan, may plano ang San Miguel Corporation na gumawa ng isang malaking airport na tila mas malaki at mas maganda pa sa NAIA. Ang lokasyon nito ay nasa pagitan ng tatlong malalaking international airports. Ang NAIA sa Metro Manila, ang Clark International Airport sa

Pampanga at ang Subic International Airport sa Zambales.
Ano ang ang mangyayari sa mga ito? Halos magkakalapit ang lokasyon ng nasabing mga paliparan. Ito ba ay kasama sa tinatawag na long- term planning para sa pampublikong transportasyong panghimpapawid ng ating bansa?

Bukod dito, ang lalawigan ng Cavite ay may plano rin na ayusin ang lumang Sangley Airport sa Cavite City. Subalit tila may kaunting gusot ang mga gagawa nito sa panlalawigang pamahalaan.

Kaya kung bibilangin natin ang lahat ng nasabing mga paliparan sa Luzon, humigit kumulang na nasa 200 kilometer radius lamang ang apat na mga malaking paliparan ng ating bansa. Para yatang nasobrahan tayo sa paliparan subalit nagkukulang sa rehabilitasyon at modernisasyon. Kung matapos naman ang Bulacan International Airport, ano na ang mangyayari sa mga paliparan ng NAIA, Clark, Subic at Sangley?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *