MAGSASAKA, MANGINGISDA SA 6 REHIYON AAYUDAHAN

noel reyes

UMAABOT sa daan-libong magsasaka mula sa anim na rehiyon ang apektado ng nagdaang bagyong Ulysses.

Ito ang ipinarating ni Asec. Noel Reyes, spokesperson ng Department of Agriculture, sa idinaos na Meet the Press Report to the Nation virtual media forum ng National Press Club.

Sinabi ni Reyes na makatatanggap ng iba’t ibang ayuda ang mga magsasaka at mangingisdang lubhang nasalanta mula sa anim na rehiyon na kinabibilangan ng Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Calabarzon at Cordillera Administrative Region.

Aniya, may P25,000 rehabilitation and emergency loan na iniaalok ang DA sa bawat magsasaka at mangingisda bilang panimula ng kanilang livelihood na babayaran sa loob ng 10 taon nang walang collateral at wala ring tubo.

Idinagdag pa ni Reyes na ang halagang ito ay mula sa P2.5 bilyong sure aid para sa COVID-19 financial program ng Agricultural Credit and Policy Council ng DA.

Kailangan lamang aniyang magpakita ng business plan at endorsement mula sa kanilang barangay na patunay na sila ay kabilang sa mga nasalanta ng bagyo.

Tuloy-tuloy rin umano ang pamamahagi ng ayuda sa mga rehiyong naapektuhan ng malawakang pagbaha kung saan nakapamahagi na ang DA ng higit 2 bilyong  pisong halaga ng bigas, fertilizer, seeds, poultry, livestock at iba pang supplements para sa mga magsasaka at mangingisda.

Maliban dito, mayroon ding P1 bilyon insurance coverage para sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng matinding pagbaha.

Nilinaw ni Reyes na mayroon pang hiwalay na P5,000 cash assistance para naman sa mga magsasaka ng isang ektarya pababa at ito’y mula sa sobrang taripang nakolekta sa rice imports.

Kailangan lamang umanong nakatala ang mga benepisyaryong magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture. BENEDICT ABAYGAR, JR.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *