MGA PABAYANG MAGULANG DAPAT IKULONG

Magkape Muna Tayo Ulit

SA totoo lang, panahon na upang magkaroon ng batas laban sa mga ires­ponsableng magulang na hinahayaan at hindi ginagabayan ang kanilang mga anak laluna’t ang mga ito ay mga menor de edad pa lamang.

Ganito ang kadalasan na nangyayari sa mga kabataan na dulot ng ‘init sa katawan’ ay nakagagawa ng mga aksiyon na kinalaunan ay pagsisisihan nila.

Ang tinutukoy ko rito ay ang maagang pagbubuntis ng mga kababaihan. Kadalasan nangyayari ito sa mga kabataan na hindi rin masyadong nababantayan ng kanilang mga magulang. Suwerte na lamang kapag medyo angat sa buhay ang mga magulang nitong mga bata na nakompromiso bilang mga binatilyo at dalagitang mga ama at ina. Sigurado na bukas ang mga kamay na tatanggapin sila ng kanilang mga magulang upang alagaan ang kanilang magiging apo.

Eh, papaano naman sa mga mahihirap na­ting kababayan na hindi ganito ang kalagayan  sa buhay? Ito ang isa sa mga nais ayusin ni Mayor Isko Moreno ng Maynila. Para sa kanya, panahon na upang disip­linahin ang mga pabayang magulang na hinahayaan ang kanilang mga anak sa lansangan.

Nagbanta si Yorme Isko na maaaring ipakulong ang mga ganitong klaseng magulang dulot ng dumaraming mga menor de edad na nahuhuli ng kanilang lokal na pamahalaan na lumalabag sa curfew at mga istriktong health protocols. Para kay Moreno, okey lang sa kanya na mapuno ng mga paba­yang magulang ang mga kulungan ng Maynila dahil sa paglabag sa kanilang ordinansa. Tama nga naman si Yorme Isko. Paano tayo magtatagumpay sa kampanya laban sa COVID-19 kung hindi sinusunod ang mga simpleng regulasyon tulad ng curfew, social distancing at pagsuot ng face mask?

Hindi rason ang kahirapan sa pagiging paba­yang magulang. Tandaan, hindi hiningi ng mga kabataan na isilang sila rito sa ating mundo. Karapatan nila na sila’y alagaan at bigyan ng abot kayang pagmamahal. Kasama na rin  dito ang pagdidisiplina sa kanila at pagbibigay ng wastong moralidad kung ano ang tama sa mali.

Sa ating batas kasi, mas nakatuon sa ‘child support’ bilang basehan kapag ang mga magulang ang pabaya sa kanilang mga anak. Ang ibig sabihin nito ay kailangan ay nasusuportahan mo ang iyong anak sa kanilang pangangaila­ngan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tahanan, edukasyon at pagkain. Subalit hindi masyadong nabibigyan ng halaga ang wastong pagdidisiplina ng magulang sa kanilang mga anak.

Noong 2011, may isang mambabatas sa Maynila na naghain ng panukalang batas ukol dito. Siya ay si dating Rep. Carol Jayne Lopez ng Youth Against Corruption and Poverty party-list. Sa kanyang panukalang batas, ang mga magulang na pabaya at hinahayaan ang kanilang mga anak na maglaro sa mga ‘accident-prone area’ tulad ng mga kalsada na dinadaanan ng maraming sasakyan o sumasali sa mga gang o barkada na naghahanap ng basag-ulo, ay maa­ring makulong o magbayad ng fine na aabot ng P80,000.

Dagdag pa sa nasabing panukalang batas na madaling maging magulang subalit  mahirap gampanan ang pagi­ging wastong magulang. Kasama rito na maituturing na krimen ay ang sino mang magulang na magkulang sa pagtuturo ng wastong disiplina at edukasyon, bagkus ay hinahayaan nilang gumala sa lansangan ang kanilang mga anak na walang gabay mula sa kanila. Maaaring makulong ang mga magulang ng hanggang 16 years at may fine na P80,000. Bukod dito, ang mga magulang sa nasabing panukalang batas ay kailangan na sumailalim sa counseling sa DSWD.

Maganda itong panukalang batas na ito. Ano na kaya ang nangyari rito? Sana ay may isa sa ating mga magigiting ng mambabatas na buhayin muli ang panukalang batas ni Rep. Lopez.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *