MULING PAGBUBUKAS NG LOKAL NA TURISMO SA BANSA MAKATUTULONG SA PAGBANGON NG EKONOMIYA

JOE_S_TAKE

ISA ang industriya ng turismo sa mga lubhang naapektuhan ng pandemyang COVID-19, hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Bilang pag-iingat at bilang hakbang sa pagkontrol ng pagdami ng positibong kaso ng COVID-19, maraming bansa ang pansaman-talang nagsara ng kanilang bansa para sa turismo. Ayon sa datos ng Asian Journal, tinatayang umabot sa 84% ang ibinaba ng pagpasok ng mga turista sa bansa noong nakaraang taon dahil sa paghihigpit ukol sa paglalakbay.

Sa pagsisimula ng pagdating ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa, ang industriya ng turismo ay naniniwala na krusyal ang taong ito sa muling pagbangon ng ating turismo. Hindi biro ang nawalang kita sa bansa bilang resulta ng pansamantalang pagsasara ng turismo rito. Sa pagtantiyang ginawa ng Department of Tourism (DoT) at ng mga opisyal ng Tourism Promotions Board (TPB), umabot sa P400 bilyon ang nawalang kita sa industriya ng turismo.

Ayon kay DOT Undersecretary Roberto Alabado III, noong 2019 ay umabot sa 8.2 milyon ang bilang ng mga turista na pumasok sa bansa. Bunsod ng paghihigpit kaugnay ng pandemyang COVID-19 na nagsimula noong Abril 2020, ang bilang ng mga turistang pumasok sa bansa ay bumagsak sa kabuuang bilang na 1.3 milyon.

Nasa 5.7 milyon ang bilang ng mga empleyadong kabilang sa industriya ng turismo. Bilang resulta ng pansamantalang pagsasara ng turis-mo, umabot sa limang milyon ang bilang ng mga empleyado ng nasabing industriya ang kung hindi man nawalan ng trabaho ay pansamantala ring hindi sumuweldo.

Ang dahan-dahang pagluwag ng mga restriksiyon ukol sa pagbiyahe sa loob ng bansa ay nagbigay naman ng pag-asa sa lokal na turismo. Ang ilang mga destinasyon ay muling nagbukas para sa lokal na turismo gaya ng El Nido, Boracay, Bohol, Baguio, ilang bahagi ng rehiyon ng Ilocos, ilang bahagi ng Bataan, Batangas, at Legazpi City.

Kaugnay nito ay siniguro naman ni TPB Chief Operating Officer Anthonette Velasco Allones na ang industriya ay handang umangkop sa mga dokumento at paghahandang kailangan para sa muling pagbubukas ng lokal na turismo. Sinisiguro nila na ang mga hotel, sektor ng transportasyon, at mga nangangasiwa sa mga pook pasyalan ay may maayos na sistema upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista.

Sa katunayan, lumikha ng isang application ang TPB na maaaring gamitin ng mga lokal na turista. Sa pamamagitan ng nasabing app ay masisiguro na tama at pinakabagong impormasyon ang makakalap ng mga gagamit nito.

Base sa rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG), inaprubahan din kamakailan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagpapatupad ng pare-parehong panuntunan sa paglalakbay para sa lahat ng lokal na pamahalaan. Malaking tulong ito sa pagpapabilis ng muling pagbangon ng turismo sa bansa.

Sa isang press release ay opisyal na inanunsiyo ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang pag-isyu ng IATF Resolution No. 101. Sa ilalim ng nasabing resolusyon, ang pangangailangan ng reverse transcription-polymerase chain reaction o RT-PCR test ay nakade-pende pa rin sa lokal na pamahalaan na nais puntahan ng isang turista. Ukol naman sa usapin ng quarantine, hindi na maaaring obligahin ang turista na sumailalim sa quarantine kung wala naman itong sintomas ng COVID-19. Hindi na rin kinakailangang magsumite ng travel pass mula sa Joint Task Force COVID Shield ng mga pulisya bago ang nakatakdang araw ng biyahe.

Binigyang-diin naman ng nasabing task force ang pagpapatuloy ng mahigpit na pagpapatupad ng mga kasalukuyang panuntunan ukol sa kaligtasan at kalusugan gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pampublikong lugar, at ang pagsasaugali ng social distancing. Nilinaw rin ng IATF na ang pagsusuri ng kalagayan ng kalusugan ng mga turista ay kinakailangan pa ring gawin ng mga doktor sa pagpasok at paglabas ng nasabing destinasyon.

Kaugnay ng muling pagbubukas ng lokal na turismo, ipinag-utos din ng IATF sa lahat ng pantalan at terminal na siguraduhin ang pagka-karoon ng sapat na pasilidad para sa mga pasaherong kailangan sumailalim sa quarantine, at ng maayos na sistema sa pagpasa ng mga pasaherong may sintomas ng COVID-19 sa pangangalaga ng Bureau of Quarantine o ng lokal na pamahalaan.

Sa aking personal na pananaw, panahon na upang suportahan ang panunumbalik ng lokal na turismo sa bansa. Ang muling panunumbalik ng turismo ay magiging malaking tulong para sa muling pagyabong ng ating ekonomiya. Bagamat patuloy ang pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, ako ay naniniwala na kung maipatutupad ng maayos ang IATF Resolution 101, at kung mag-iingat ang mga nagbabalak na bumisita sa ibang bahagi ng bansa, makokontrol pa rin ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa lalo na’t nagsimula na ring pumasok ang bakuna sa Pilipinas.

Kailangang ipagpatuloy ang pangangalaga sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng face shield at face mask sa mga pampub-likong lugar, pagsasaugali ng social distancing, madalas na paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol, at pag-inom ng mga bitaminang ma-katutulong sa pagpapalakas ng ating immune system. Maging responsable tayo sa ating kalusugan at sa kaligtasan ng bawat isa. Kung may nararamdamang sintomas ng COVID-19, magkusang-loob nang sumailalim sa quarantine at ipagbigay-alam agad ito sa kinuukulan.

Tila nalalapit na talaga ang muling pagbangon ng ating ekonomiya. Dumating na ang bakuna sa bansa, at kasunod nito ay mas pinaiigting pa ang pagbubukas ng lokal na turismo. Ako ay naniniwala na ito na ang simula ng pagbangon ng ating ekonomiya.

Tayo ay magkaisa at suportahan ang pamahalaan dahil ang pagbangon ng ekonomiya ay hindi lamang sa kanila nakasalalay, kundi pati sa atin bilang mga konsyumer at mamamayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *