P100 DAGDAG SAHOD ‘WAG MUNA

NAKIUSAP ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na ipagpaliban muna ang hirit na dagdag sahod na P100 dahil hindi pa nakababawi sa pagkalugi ang maraming mga negosyo sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Hirit nila, kailangang mabigyan ng sapat na panahon ang mga negosyante upang makabawi sa nalugi sa kanila bago itaas ang suweldo ng mga manggagawa.

Para naman sa grupong Defend Jobs Philippines (DJP), dapat taasan ang sahod ng mga manggagawa dahil patuloy ang pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin.

Epekto umano ito ng pandemiya, at wala pang kasiguruhan kung kailan mababalik sa normal ang lahat.
Dagdag pa ng grupo, naiintindihan din nila ang posisyon ng mga employer kaya suporta ng gobyerno ang hinihingi nila ngayon.

Pag-aaralan naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang hirit na dagdag na P100 sa minimum wage para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), pati na ang kahilingan ng mga employer na ipagpaliban ito.

Kailangan umanong balansehin nila ang sitwasyon, dahil kung hindi ay baka mas mapilitan ang ibang employers na magtanggal ng trabahador.

Inasahang maghahain din ng dagdag sahod ang ibang manggagawa na nasa ibang rehiyon. NENET L. VILLAFANIA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *