PAGBUHAY NG ‘PEACE TALKS’ SA CPP-NPA-NDF, TINUTULAN NG DILG

Bernardo Florece Jr

MARIING tinutulan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang posibleng muling pagbuhay sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at  Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay  DILG Undersecretary at Officer-In-Charge (OIC) Bernardo Florece, Jr.,  buo ang suporta ng ahensiya sa posisyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tumututol sa anumang hakbang para sa muling pagbuhay sa bigong usapang pangkapayapaan sa mga rebelde.

Aniya, naniniwala sila na anumang ‘back channel efforts’ upang maipagpatuloy muli ang peace talks ay walang saysay at balewala lamang dahil hindi kailanman nagpakita ng sinseridad dito ang CPP-NPA-NDF at sa halip ay pinatunayan pang tutol sila sa pagkakaroon ng kapayapaan sa bansa.

Sinabi pa ng opisyal na ang doble-karang ‘nature’ ng mga komunistang terorista ay matagal na ring nabunyag dahil habang nagpapanggap ang mga ito na pabor sa pagkakaroon ng kapayapaan ay patuloy naman itong nang-a-ambush ng mga sundalo at mga pulis, nang-aabuso ng mga indigenous peoples, at nilalason ang kaisipan ng mga kabataan upang mahikayat na lumahok sa kanilang ipinaglalaban at magbitbit ng armas laban sa gobyerno.

Idinagdag pa nito na malinaw na ang peace talks para sa CPP-NPA-NDF ay hindi nila isinasagawa upang makamit ang kapayapaan at sa halip ay upang makakuha lamang ng concessions mula sa gobyerno nang walang ibinibigay na kapalit.

Nabatid na ang mga local government units ay nagpahayag na rin ng kanilang disgusto sa communist terrorist groups.

Sa katunayan aniya, hanggang noong Disyembre 12, 2020, kabuuang 1,311 lalawigan, lungsod at munisipalidad na ang nagdeklara sa mga rebeldeng komunista bilang persona non grata sa kani-kanilang lokalidad.

Bukod pa ito sa 25,520 barangays na naglabas na rin ng resolusyon na nagdedeklarang hindi ‘welcome’ sa kanilang komunidad ang CPP-NPA-NDF.

“Malinaw na sa DILG at mga mamamayan ang tunay na kulay ng CPP-NPA-NDF. Sila ay kaaway ng kapayapaan at kaaway ng bayan. Hindi na sasabay sa tugtugin ng mga terorista ang gobyerno. Tama na ang mahigit sa limang dekadang pambubusabos nila sa bansa,” dagdag pa ng DILG official. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *