PAGPAPABILIS SA PAGDATING NG BAKUNA MAGAWAN SANA NG PARAAN

JOE_S_TAKE

AYON sa mga naging pahayag ng pamahalaan noong unang bahagi ng buwan, inaasahang magsisimulang dumating ang unang batch ng dosis ng bakuna laban sa COVID-19 sa ating bansa sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero.

Mismong si Presidential Spokesperson Harry Roque ang nagpahayag na handa na silang ilunsad ang programa sa pamamahagi ng bakuna sa ika-15 ng Enero. Ang pahayag na ito ay binitawan kaugnay ng napipintong pagdating ng unang batch ng dosis ng  bakuna sa bansa na mula sa Pfizer-BioNTech.

Ilang araw matapos ang nasabing pahayag, naglabas ng ulat si National Task Force (NTF) Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon ukol sa pagkakaroon ng pagkaantala ng nasabing batch ng bakuna. Nasa 117,000 na dosis sana ang unang batch ng bakuna na nakatakdang dumating sa bansa.  Sa kanilang paliwanag, ang sanhi  nito ay ang mga dokumentong kailangan pang iproseso sa COVAX Facility at World Health Organization (WHO). Sa kabila ng pagkaantala ay siniguro naman ni Dizon na tinututukan nila ito upang makapasok agad ang bakuna sa bansa.

Kasama sa inaasahang papasok ngayong Pebrero ang 600,000 na dosis ng bakuna ng Sinovac ng China. Subalit matuloy man ang pagpasok nito ngayong araw, ika-23 ng Pebrero, hindi pa rin ito maaaring ipamahagi sa bansa dahil hindi pa ito mabibigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).

Ilang araw na lamang bago matapos ang buwan ng Pebrero ngunit wala pa rin ang mga bakuna sa bansa. Tila nahuhuli na tayo kumpara sa ating mga karatig bansa. Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang mga bansang Singapore, Indonesia, Cambodia, Vietnam, Laos, at Myanmar ay nagsimula na sa pamamahagi ng bakuna sa kani-kanilang bansa. Kasama nating nahuhuli sa usapin ng pagpasok ng bakuna sa bansa ang Brunei, Malaysia, at Thailand.

Ayon kay Roque, maging si Pangulong Duterte ay naiinip na sa pagpasok ng bakuna kontra CO­VID-19 sa bansa. Batid naman ng pamahalaan ang pangangailangang mailunsad na sa lalong madaling panahon ang pamamahagi ng bakuna sa bansa upang magtuloy-tuloy na ang mabilis na pagbangon ng ating ekonomiya mula sa epekto ng pandemyang ito.

Ilang araw lamang ang nakararaan nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang Memorandum Order 51. Ito ay nagbibigay ng pahintulot sa NTF against COVID-19, Department of Health (DOH), mga lokal na pamahalaan na magpaunang bayad ng lagpas sa 15% ng kanilang kabuuang kontrata sa pagbili ng bakuna.

Ayon kina Vaccine czar Carlito Galvez Jr. at Dizon, ang naging sanhi ng pagkaantala ng pagdating ng unang dosis ng bakuna sa bansa ay ang mga dokumentong may kinalaman sa tinatawag na indemnification fund.

Sa paliwanag ni Galvez, kailangan daw ang nasabing indeminification fund upang magkaroon ng access ang Filipinas sa mga bakuna mula sa mga parmasyutikal na kompanyang kausap nito, kasama ang COVAX global facility. Makatutulong ang nasabing pondo sa pagkakaroon ng pagkakataon ng ating bansa na makakuha ng mas maraming supply ng bakuna. Makatutulong din ito sa pagpapataas ng tiwala ng publiko sa sistema ng pamamahagi ng bakuna ng pamahalaan.

Kailangan daw ang indemnification fund dahil ang mga bakunang papasok sa bansa ay ipamamahagi sa ilalim ng EUA. Hindi pa sapat ang datos ukol sa magiging epekto ng mga ito sa mga indibidwal na matuturukan. Sa ilalim ng nasabing indemnification, hindi maaaring ilagay sa kamay ng mga parmasyutikal na kompanya ang responsibilidad sakaling magkaroon ng hindi inaaasahang negatibong epekto ang kanilang produkto.

Sa madaling salita, ang responsibilidad na ito ay sasaluhin ng pamahalaan. Ayon kay Roque, makatatanggap ng tulong pinansiyal ang mga indibidwal na magkakasakit o mamamatay matapos maturukan ng bakuna kontra COVID-19.

Sa kasalukuyan, hinihintay nina Galvez ang kumpirmasyon ng Kongreso ukol sa pagkakaroon ng indemnification fund. Kailangan kasi ng batas ukol dito upang mapahintulutan ang paggamit ng contingency fund ng bansa para rito. Hinihintay din nila ang pagsang-ayon ng WHO sa kanilang iminungkahing programa kaugnay ng indemnification.

Sa kabila ng mga nangyaring pagkaantala at ng ating pagkahuli sa pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19, ako ay naniniwala na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang makumpleto na ang mga kinakailangan sa pagpasok ng bakuna.

Iisa lamang naman ang gusto nating lahat at ito ay ang masugpo natin ang pandemyang CO­VID-19. Bagaman ginagawa ng lahat ang kani-kanilang mga responsibilidad kaugnay ng nasabing proseso, kailangan lamang ay mapabilis ito upang tuluyan na nating makuha ang susi sa pagsugpo sa CO­VID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *